Home OPINION LUMANG PABANGO NG PNP

LUMANG PABANGO NG PNP

NAGSISIMULANG mag-ikot o magsagawa ng command visit si Philippine National Police chief P/Gen Rommel Francisco Marbil sa ibang-ibang region na kanyang nasasakupan upang umano’y kumustahin at alamin ang kalagayan ng mga personnel –police commissioned, police non-commissioned at non-uniformed officer.

Sa kanyang pagdalaw, siyempre, kasama ang mga mamamahayag na magbabalita ng mga kaganapan sa police force at ang magandang ginagawa ng kasalukuyang pamunuan ni Marbil. Kaya lang, ang mga mamamahayag ay nasa isang holding area muna dahil kailangang mabigyang paalala muna ang mga pulis.

Ang coverage ng media noon at ngayon ay ibang-iba na talaga. Noon, hindi sinasala ang mga itatanong ng mga mamamahayag sa mga opisyal. Sa madaling salita, “no holds barred” or no restrictions. Pero ngayon, ang mga magtatanong ay kailangang isulat muna ang katanungan at kapag hindi gusto, ay kailangang palitan.

O, eh di pinipigilan ang media na maghanap ng totoong ibabalita. Pinipigilan ang mga mamamahayag na maglabas ng katotohanan, maganda man o pangit na balita. Nagpapabango sa mamamayan ang PNP kung kaya’t puro magagandang gawi o gawain ang kanilang nais na palutangin.

Katulad nang pagiging concern sa kalusugan – kaisipan o pangangatawan, ng mga pulis kung kaya’t pinalulutang ang pagpapahospital sa mga pulis na nagkakaroon ng matinding sakit o kaya naman ay nadisgrasya. Kahit abutin ng malaking gastos ay nakaalalay ang PNP.

Para sa kaalaman ni Marbil, matagal na ang panuntunan na iyan ng PNP lamang ay hindi batid nang nakararaming miyembro ng kanyang organisasyon.

Kahit pa naka-confine sa pinakamahal na pagamutan, may nakalaang pondo para dyan ang PNP kaya naman hindi na kailangang dalhin pa sa PNP Hospital para magpagaling o magpagamot.

Pinalutang din ni Marbil ang mga benepisyong natatanggap ng mga pulis halimbawa ay allowance tulad ng pera, bigas at iba pa, maliban sa clothing allowance at hazard pay. Ani Marbil, hindi na mababawasan ang mga ito at sa kanyang pamunuan ay posibleng madagdagan pa.

Eh saan naman kaya kukunin ang pondo para rito? Ibig kong sabihin ay sa dagdag na benepisyo. Sa buwis ng taumbayan o buwis lang ng mga iligalista?

Naku, kung ang mga iyan ang gagawing pampabango sa mga pulis para manatiling LOYAL sa pamunuan, aba’y lumang-luma na ang mga iyan. Baka nga hindi na kagatin o paniwalaan pa ng 228,000 strong policemen and women.

Iba naman. ‘Yung talagang makikinabang ang pulis at syempre ang mamamayan.