Home NATIONWIDE Metro Manila, 23 iba pang lugar makararanas ng malaimpyernong init!

Metro Manila, 23 iba pang lugar makararanas ng malaimpyernong init!

MANILA, Philippines – Swak ang Metro Manila ngayong Martes  sa 24 na lugar na inaasahang makakaranas ng peligrosong heat index.

Sa pagtataya ng PAGASA, nasa 42 degrees Celsius ang heat index sa NAIA, Pasay City station at 40 degrees Celsius sa Science Garden sa Quezon City.

Ang pinakamataas na heat index para sa araw na ito ay sa Dagupan City, Pangasinan na may 46 degrees Celsius.

Ang iba pang lugar na may delikadong heat index noong Martes ay ang: Laoag, Ilocos Norte (42°C); Aparri, Cagayan (43°C); Tuguegarao City, Cagayan (42°C); ISU Echague, Isabela (42°C); Clark Airport, Pampanga (42°C); Munoz, Nueva Ecija (42°C); Baler, Aurora (42°C); Casiguran, Aurora (42°C).

Kasama rin sa listahan ang: Sangley Point, Cavite (42°C); Ambulong Tanauan, Batangas (42°C); Coron, Palawan (42°C); San Jose, Occidental Mindoro (42°C); Puerto Princesa City, Palawan (42°C); Aborlan, Palawan (43°C); Virac, Catanduanes (42°C); Masbate City, Masbate (42°C); Pili, Camarines Sur (42°C); Roxas City, Capiz (43°C); Iloilo City, Iloilo (43°C); Dumangas, Iloilo (42°C); Catarman, Northern Samar (42°C); Zamboanga City, Zamboanga del Sur (43°C).

Aabot ang tagaytay ng high pressure area (HPA) sa silangang bahagi ng Northern at Central Luzon sa Martes, sabi ng PAGASA.

Ang Davao Region, South Cotabato, at Sarangani ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil sa labangan ng Low Pressure Area (LPA) na may posibleng flash flood o landslide dahil sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan.

Ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dahil sa mga localized thunderstorms na may posibleng flash flood o landslide sa panahon ng matinding pagkulog.

Batay sa heat index chart, pinapayuhan ang publiko na mag-ingat laban sa heat cramps at heat exhaustion, at posible ang heat stroke sa patuloy na pagkakalantad.

Ang heat index ay isang sukatan kung gaano kainit ang tunay na nararamdaman kapag isinasaalang-alang ang relatibong halumigmig sa isang partikular na lokasyon. Santi Celario