Home NATIONWIDE NAIA kapos sa generator sets – MIAA

NAIA kapos sa generator sets – MIAA

MANILA, Philippines – AMINADO ang operator ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na may kakulangan sila sa generator sets at naghahanap sila ng paraan upang matugunan ito.

Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) Acting General Manager Eric Jose Ines, nagdalawang isip umano sila kung ano ang kanilang uunahin dahil kung pagsasabayin umano nila ang pagbubukas ng mga air conditioning unit ay baka mag-trip umano ang suplay ng kanilang kuryente at magkaroon ng problema dahil may kakulangan umano sila ng generator.

“Susubukan namin mag renta, hanggang maaari, hanggang magkaroon ng permanenteng generator. Kasi hindi basta-basta pwede magkabit ng generator,” ani Ines.

“Pasensya lang. Magtitiis muna ang mga pasahero natin. Sapagkat talagang malubha ang init, dagdag pa ng opisyal.

Matatandaan na noong Marso 27, Miyerkules Santo, naranasan ng NAIA Terminal 2 ang power fluctuations.

Iniulat ng MIAA na tumagal ng mahigit tatlong oras ang nasabing problema sa kuryente, at naranasan ng mga pasahero ang mainit na temperatura dahil naapektuhan ang air conditioning units ng terminal.

Iniuugnay ng MIAA ang insidente sa mataas na heat index, na nagsasabing patuloy na bumabagsak ang terminal circuit breaker dahil sa mataas na power load na dulot ng mataas na heat index sa labas ng terminal.

Ayon kay Ines, ang nasbaing fluctuations noong Marso 27 ay naging dahilan upang makita nila ang pangangailangan ng generator set na may kapasidad na 6 megawatts upang ito ay patuloy na gumana sakaling ma-trip ang suplay ng kuryente.

Nagpahayag si Ines ng pag-asa na maaari silang makipagtulungan sa consortium hinggil dito nang mas maaga kaysa sa turnover ng mga operasyon sa paliparan noong Setyembre. Jay Reyes