Home NATIONWIDE PH Navy nanindigan sa pananatili ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal

PH Navy nanindigan sa pananatili ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal

MANILA, Philippines- Nanindigan ang Philippine Navy nitong Linggo na may karapatan itong panatilihin ang BRP Sierra Madre (LT-57), na nakasadsad sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS).

Inihayag ito ni Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Trinidad sa isang panayam, kung saan iginiit ng opisyal na magsasagawa ang pwersang Pilipino ng mga kinakailangang pagkumpuni sa World War II-era tank landing ship sa kabila ng pagkontra ng China.

“Ito ay commissioned vessel ng Philippine Navy. Mandato ng Philippine Navy na i-maintain natin. Hindi naman pupuwedeng basta-basta lang pabayaan natin para malusaw o bumagsak na lang basta-basta,” anang Navy official.

Mula 1999 ay nakasadsad na ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Binubuo ang tripulante ng barko ng dose-dosenang marino at mandaragat, na naging simbolo ng soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Sa kabila nito, pinatatanggal ng China ang BRP Sierra Madre sa tinatawag nitong Ren’ai Jiao.

Noong Martes, naglabas ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng isang video kung saan makikita ang pang-aagaw ng mga Chinese sakay ng malliit na bangka sa suplay para sa mga sundalong Pilipino sa BRP Sierra Madre. Inihayag din ng AFP na nagsagawa ang Chinese ng “dangerous” maneuvers matapos lumapit sa Filipino personnel.

Nitong Biyernes, iniulat din ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for WPS Commodore Jay Tarriela na sinadyang banggain ng China Coast Guard vessels ang isang Philippine Navy rigid hull inflatable boat sa kabila ng pagbibigay-alam sa panig ng China ukol sa humanitarian nature ng misyon.

Ang misyon ay ang paglikas sa AFP personnel member  na nakaistasyon sa BRP Sierra Madre, na maysakit at nangangailangan ng agarang atensyong medikal.

Base kay Trinidad, mayroong tatlong crewmen na nagkasakit, subalit gumaling na umano ang mga ito.

“Nabigyan naman sila ng tamang gamot at pinagpahinga sila. Hindi naman serious ang kanilang kalagayan,” wikang opisyal.

“The most important part of what we are doing right now is that we are holding the line. We are not giving up our position in the West Philippine Sea—and that’s what really matters,” pahayag naman ni Tarriela sa isang panayam.

“We believe na ang ginagawa nating ito [that what we’re doing] is a fight for the next generation of Filipinos. We need to hold the line for this so that the next generation of Filipinos will still learn about this, will still be aware of what we’re fighting for, and for them to continue fighting,” giit pa ng opisyal.

Sa kasalukuyan ay wala pang tugon ang Chinese Embassy sa Manila ukol dito. RNT/SA