Home NATIONWIDE Presyo ng palay itinaas ng NFA

Presyo ng palay itinaas ng NFA

MANILA, Philippines- Itinaas ng National Food Authority (NFA) Council ang procurement price ng kada kilo ng palay upang palakasin ang buffer stock ng ahensya at gawin itong mas “competitive” sa merkado.

Sa press briefing nitong Huwebes, inanunsyo ni Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary at spokesperson Arnel de Mesa na inaprubahan ng NFA Council ang bagong buying prices para sa palay.

Ani De Mesa, nagkakahalaga ang bagong buying price ng dry and clean palay ng P23 hanggang P30 kada kilo mula sa nakaraang P19 hanggang P23 kada kilo, habang ang fresh palay ay nagkakahalaga ng P17 hanggang P23 kada kilo mula sa nakaraang P16 hanggang P19 kada kilo.

“Ang nabibili ng NFA ngayon ay talagang kokonti,” wika ni de Mesa.

Ayon sa DA official, pumapalo ang national farm-gate price average sa P26.9 kada kilo, habang ang buying price ng NFA ay may maximum na P23 kada kilo.

“Talagang wala siyang mabibili or very minimal so tinaasan nang kaunti para makahabol ang NFA doon sa presyo na ino-offer ng traders sa ngayon,” dagdag ni de Mesa. RNT/SA