Home OPINION SIMPLE LANG

SIMPLE LANG

BAKIT  nga kaya ayaw paimbestigahan ni Senate President Miguel Zubiri ang diumano’y “gentleman’s agreement” sa pagitan ni dating President Digong Duterte at ng pamunuan ng bansang China.   Aniya,  politika lang ito at baka raw hindi magandang buhusan ng panahon at gastusan ng pera ng Senado.

Sa kabilang banda naman,  itutuloy daw ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kanila namang bersyon nang pag-iimbestiga sa isyu.

Palagay ko ay merong mga tama at mahahalagang batayan para nga bigyang pansin ng Kongreso natin ang nasabing imbestigasyon.

Una, kailangang palabasin ang katotohanan.   Meron nga bang naging kasunduan o wala? Kasi lagi namang itinatanggi ito ni dating Pangulong Duterte.   At palagi naman iginigiit ng China na meron ngang kasunduan at Pilipinas daw ang lumalabag dito.   Merong nagsasabing totoo at merong nagsisinungaling, at kailangan matukoy kung sino ang mga ito.

Pangalawa, dapat ay magkaroon ng malinaw na batas tungkol sa dapat na polisiya at tindig ng Pilipinas sa gitna ng hidwaan sa West Philippine Sea.  Ang batas na ito ang dapat na gagabay sa ating Department  of Foreign Affairs, pati na ang ibang ahensya ng pamahalaan  at ang mga lokal na pamahalaan na apektado ng tensyon sa WPS.   Ang isang imbestigasyon ng Senado ay makakatulong para isulong ang bagong batas na ito.

Pangatlo, sa gitna nang umuusbong na mga kasunduan at mga ugnayan ng iba’t-ibang bansa para mapanatili ang normal na nabigasyon sa WPS, kailangang mayroong malinaw na direskyon ang bansa natin, kung sakali man na mas lumalim ang mga ugnayang ito.   Napabalita nitong mga nakaraang linggo ang sunod-sunod na military exercises ng Pilipinas kasama ang US, Japan, South Korea at Australia.   Halos kasabay din nito ang pagdating ng mga armas na binili natin sa India.   Sa paglawak ng galaw ng Pilipinas, mas mainam na mayroong batas na bumabalangkas kung paano ang diskarte natin.

Sa huli, mas panatag ang taumbayan kung mag-iimbestiga ang Senado, dahil sa alam nila na ang Senado ay interesadong isulong ang interes ng mga Pilipino.

Ganon lang ka-simple yon.