Home NATIONWIDE 14 lalawigan sapul ng tagtuyot 

14 lalawigan sapul ng tagtuyot 

MANILA, Philippines- Inihayag ng state weather bureau PAGASA nitong Martes na 14 probinsya na ang nakararanas ng tagtuyot dahil sa umiiral na El Niño, hanggang nitong January 31.

Batay ito sa rainfall data mula September 2023 hanggang January 2024.

Kabilang sa 14 lalawigan ang: Apayao, Benguet, Cagayan, Cavite, Ifugao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Kalinga, La Union, Mountain Province, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Palawan, at Pangasinan.

Samantala, 10 lugar, kabilang ang Metro Manila, ang nakararanas ng dry spell at 17 lalawigan naman ang nasa ilalim ng dry condition.

Nararanasan ang tagtuyot kapag mahigit kapag mayroong “60 percent reduction in rainfall in three consecutive months.”

Nagaganap naman ang dry spell kapag “below normal rainfall conditions occur in three consecutive months,” habang sa dry condition, ay sa loob ng “two consecutive months.”

Sa pagtatapos ng Pebrero, tinataya ng PAGASA na 24 lalawigan, kabilang ang Metro Manila, ang makararanas ng tagtuyot.

Kabilang dito lahat ng probinsya sa Ilocos Region, Cordillera at Cagayan Valley, maging Aurora, Bataan, Nueva Ecija, Zambales, Cavite, Rizal, Occidental Mindoro, Palawan, at Negros Occidental.

Nagbabadya naman ang dry spell sa 17 lalawigan, kabilang ang 10 sa Visayas, habang 10 probinsya ang nakaambang masapul ng dry condition.

Sa El Niño Advisory number 7 na inilabas noong January 5, inihayag ng PAGASA na magpapatuloy ang “strong El Niño” sa buong Pebrero habang iiral ang warm event hanggang March-April-May season bago lumipat sa neutral conditions sa April-May-June season. RNT/SA