Home OPINION 1M OFW SA SAUDI AT MARAMI PANG IBA

1M OFW SA SAUDI AT MARAMI PANG IBA

ANG mga obrerong Pinoy hindi maipagpapalit ng ibang mga bansa sa ibang lahi.

Ito ang malinaw na mensahe ng Saudi Arabias na pagkakaroon ng mga Pinoy para sa pagpapaunlad nang todo ng kanilang ekonomiya.

Dati-rati, tinatamaan ang mga Pinoy roon sa programang Saudization at may mga nasampulan na nga.

Sa Saudization, mga Saudi Arabo mismo ang mabibigyan ng trabaho at hindi na ang mga dayuhan.

Pero iba ngayon ang sitwasyon, gusto nilang kumuha ng 1M Pinoy at gagawin ito sa loob ng dalawang taon.

Sa ngayon, lumiit na nasa 700,000 mula sa dating milyon ang bilang ng mga Pinoy roon dahil sa Saudization at kompetisyon na likha ng ibang mga bansa na nagluluwas din ng kanilang mga mamamayan para maging obrero sa nasabing bansa.

Nagkaroon din ng malaking epekto sa empleyo ang pandemyang gawa ng COVID-19 na ikinalugi at ikinasara ng maraming kompanya at napakarami ang nawalan ng trabaho at nagutom sa Saudi Arabia na Pinoy.

Ngayong bumundat ang ekonomiya ng nasabing bansa na likha ng giyerang Russia at Ukraine, nakaipon na ang Saudi ng napakalaking kapital para sa pagsusulong nito ng mga proyektong pang-ekonomiya, panturismo at iba pa.

Isa ang Saudi Arabia sa sumalo sa suplay ng Russia ng langis sa buong daigdig kaya kumita ito nang husto.

MARAMI ANG NAGLALAWAY

Siyempre pa, kabilang sa mga naglalaway sa nasabing programa ng Saudi Arabia ang mga placement agency.

Sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng pamahalaang Pilipinas ng mga proteksyon at benepisyo sa mga manggagawang Pinoy, tiyak na magkakaroon pa rin ang mga magsasamantala sa kainosentihan ng maraming aplikante at diyan lilitaw ang mga illegal recruitment.

Pero alalahanin, mga Bro, na hindi gaanong magtatagumpay ang mga placement agencies kung wala silang mga kasabwat mismo mula sa pamahalaan, partikular ang Department of Migrant Workers, Philippine Overseas Employment Agency, Overseas Workers Welfare Administration at iba pa.

Kaya isa ito sa mga dapat na mahigpit na bantayan hindi lang ng pamahalaan kundi mismo ng mga aplikante sa trabaho at iba pang mga mamamayan.

Dapat na huwag gawing sikreto kundi bukas sa pamahalaan ang lahat ng transaksyon sa pagpapadala sa Saubi Arabia ng mga obrero lalo’t bukas naman ang huli sa pakikipagkasundo sa atin ukol sa kapakanan ng mga obrero.

MARAMI AT SOBRA

Sa rami ng mga gumagradweyt sa kolehiyo taon-taon na kabataang Pinoy at sa rami ng mga beterano na pupwedeng muling mag-Saudi, kaya nating punuan ang pangangailangan ng Saudi Arabia.

Kailangan nila ang obrero sa mga hotel at restoran, sa mga konstraksyon, kasama ang mga welder, sa tekonolohiya at iba pa.

Kapag pinagsama-sama mo ang mataas na edukasyon, kasipagan at kakayahang magtiis sa hirap sa trabaho at kapaligiran, magagandang pangarap sa buhay, pagiging masaya at palakaibigan ng mga Pinoy, wala ka ngang hahanapin pa.

oOo

Anomang reklamo o puna, iparating lang sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

Previous articleGIYERA ‘DI DASAL IPANLABAN SA DROGA
Next articleKaligtasan ng drayber, pasahero tiyakin sa pagsaligal ng motorcycles-for-hire – Poe