Home METRO 2 sa 7 holdaper na bumiktima sa 2 waitress sa Malabon, arestado

2 sa 7 holdaper na bumiktima sa 2 waitress sa Malabon, arestado

MANILA, Philippines – SA kulungan ang bagsak ng dalawa sa pitong kabataan matapos holdapin ang isang miyembro ng LGBT (lesbian, gay, bisexual, transgender) at babaeng kasama niya sa trabaho sa Malabon City, Biyernes ng madaling araw, Agosto 4.

Sa imbestigasyon nina P/SSgt. Ernie Baroy at P/SMSgt. Julius Mabasa, naglalakad pauwi ang mga biktimang sina Christian Pastrana, 27, ng Dulong Hernandez St. Brgy. Catmon at kapwa waitress na si Margie Quianzo, 40, ng Flovie 5, Paradise Village, Brgy. Tonsuya galing sa kanilang trabaho nang palibutan ng pitong kabataang lalaki dakong alas-12:30 ng madaling araw pagdating nila sa Paradise Village.

Isa sa mga suspek ang naglabas ng baril at tinutukan ang mga biktima saka puwersahang kinuha ang kanilang pera na may kabuuang P1,500 pati na ang cellular phone ni Quianzo, bago mabilis na nagsitakas.

Nakahingi naman ng tulong ang mga biktima sa mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station-5 na agad nagsagawa ng follow-up operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawa sa mga suspek na sina Fernando Arbalate, Jr., 21 at Roan Kyle Delos Santos, 22, kapwa ng Paradise Village Brgy. Tonsuya.

Patuloy namang pinaghahanap ng mga pulis ang lima pang mga suspek na pawang menor-de-edad na nagawang makatakas tangay ang pera at cellphone ng mga biktima. Boysan Buenaventura