MANILA, Philippines- Naaresto ng mga awtoridad ang apat na Chinese nationals at nasabat ang pekeng tsinelas na nagkakahalaga ng P75 milyon mula sa tatlong bodega sa Meycauayan City, Bulacan noong February 26, base sa Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Sa ulat nitong Linggo, kinilala ng CIDG ang apat na suspek na sina Weibin, Zhenpan, Youding, at Wang ng Elite Globus Prime Holdings Corporation.
Nadakip sila sa sabay-sabay na raid sa tatlong bodega sa bisa ng search warrant dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines.
Narekober sa tatlong warehouse ang P29.69 milyon, P27.7 milyon, at P18 milyon.
Ang iba pang ebidensyang nakumpiska mula sa mga bodega ay business receipts, computer sets, isang digital video recorder, at web mill printer.
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Section 155 (Trademark Infringement) kaugnay ng Section 170 of RA 8293. RNT/SA