Home METRO 4 lalaki biniktima ng riding in tandem sa Maynila

4 lalaki biniktima ng riding in tandem sa Maynila

MANILA, Philippines – Nasa apat na lalaki ang nabiktima ng riding in tandem sa Tondo, Maynila kung saan natangay ng mga ito ang aabot sa P150,000 halaga ng mga alahas.

Sa ulat, nakita sa CCTV ang pagtakbo ng tatlong lalaki sa S. Delos Santos Street madaling araw ng Biyernes, Pebrero 7 na nabiktima pala ng riding in tandem.

Ayon sa dalawa sa apat na mga biktima, nakatambay lamang sila sa harap ng kanilang bahay nang dumaan ang apat na lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo.

Pagkatapos ng ilang minuto, bumalik umano ang dalawang suspek na naglalakad at naglabas ng baril saka nagdeklara ng holdap.

“Kinuha ‘yung wallet niya. Noong walang nakitang laman sa kaniya, ‘yung isang nakaitim na malaking lalaki, kumasa ng baril tapos tinutok sa sintido niya. Doon niya na sinabi na, ‘Wala kang pera, gusto mong barilin na lang kita?’” kuwento ng isa sa mga biktima, sa panayam ng GMA News.

“Iba ‘yung pakiramdam ‘pag nakatutok na ‘yung baril sa ulo mo, tapos kinasa pa sa harap mo. Kaya ayun, medyo na-trauma ako,” anang isa pa.

Kasama sa nakuha ay ang wedding ring ng isa sa mga biktima.

Sinubukan ng isa sa mga biktima na habulin ang mga suspek ngunit hindi na nila ito inabutan.

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang insidente. RNT/JGC