Home OPINION 47TH ANNUAL SCIENTIFIC MEETING SA PAGTATAGUYOD NG NAST PHL

47TH ANNUAL SCIENTIFIC MEETING SA PAGTATAGUYOD NG NAST PHL

240
0

MULING nagsama-sama ang mga siyentipiko, mananaliksik, pampamahalaan at pribadong institusyon, at mula sa aka­demya, sa dalawang araw na 47th Annual Scientific Meeting (ASM) nitong Hulyo 9 at 10, 2025 sa makasaysayang Manila Hotel, sa pagtataguyod ng National Academy of Science and Technology Philippines na naka-sentro sa temang “Bioscience Innovations: Transforming Enterprise Ecosystems for Wealth Creation.”

Tampok sa pagtitipong ito ang kahalagahan ng mga bagong kaalaman at tuklas sa bio­sensiya bilang pangunahing puwersa sa pagtataguyod ng sustenableng pag-unlad at inklu­sibong ekonomiya sa Pilipinas.

Binigyang-diin ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum, Jr., sa kanyang pagtanggap sa mga delegado, na ang agham ay hindi lamang para sa pananaliksik kundi dapat magresulta sa mga konkretong solusyon na makiki­nabang ang mga komunidad, industriya, at kabuhayan ng mga Filipino.

Hinimok niya ang mga siyen­tipiko, innovators, academicians, at entreprenyur na palawakin ang kolaborasyon upang mapa­kinabangan ang agham sa pagtugon sa food security, kalusugan, at climate resilience. Aniya, ang inobasyon ay hindi lamang para sa paglikha ng produkto kundi para rin sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng bawat Filipino, at ang tagumpay ng agham ay nasusukat sa lawak ng epekto nito sa tunay na mundo. Nararapat diumano itong magresulta sa “ramdam na agham.”

Para kay Dr. Jaime Montoya, presidente ng NAST Philippines, akmang-akma ang tema ng siyentipikong pagtitipon sa kasalukuyang pinagdaraanan ng bansa at ng mga Filipino.

Malaki umano ang panga­nga­ilangang isulong ang bioscience-based solutions sa mga hamon ng panahon gaya ng food insecurity, climate change, at public health emergencies.

Binigyang punto niya na ang agham ay hindi lamang dapat manatiling nasa mga laboratory o papel, nararapat itong maka­baba sa komunidad at magsilbing pundasyon ng inobasyon at kabuhayan.

Sa kanya namang keynote address, ibinahagi ni professor Ivan Marusic,vice president ng Australian Academy of Scien­ces, at isang kilalang eksperto sa larangan ng fluid mechanics mula sa University of Melbourne, ang kahalagahan ng malalim na siyentipikong pananaliksik bilang pundasyon ng inobasyon at tek­nolohikal na pag-unlad.

Binigyang-diin niya na ang agham, lalo na sa larangan ng biosciences at engineering, ay may mahalagang papel sa pag­harap sa mga pandaigdigang hamon gaya ng climate change, energy transition, at food security.

Ayon sa professor, ang interdisiplinaryong kolaborasyon sa pagitan ng mga siyentipiko, negosyante, at policymakers ay susi sa pagbuo ng makabuluhang solusyon at pagpapalago ng enterprise ecosystems.

Hinihimok niya ang mga siyentipikong Filipino na patuloy na paigtingin ang global partnerships at panatilihing nakasentro sa sustainability at inclusivity ang mga inobasyon.

Sa kabuuan, nagpaalala si Professor Marusic na ang agham ay dapat magsilbi hindi lamang sa kaalaman kundi sa kabutihan ng sangkatauhan, at ang tunay na tagumpay ay nasusukat sa po­sitibong epekto nito sa lipu­nan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here