MANILA, Philippines – Hindi pa rin humuhupa ang pagbaha sa bansa matapos manatiling hindi bababa sa isang talampakan ang lalim ng tubig sa 574 lugar nitong Sabado, Agosto 22. Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), dulot ito ng pinagsamang epekto ng Habagat at mga bagyong Luis, Maymay at Neneng.
Umabot na sa 7.4 milyon katao o humigit-kumulang 2.1 milyong pamilya ang naapektuhan sa 10 rehiyon, kabilang ang Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western at Eastern Visayas, at Zamboanga Peninsula.
Pinakamaraming binahang lugar ang Central Luzon na may 446, kasunod ang Mimaropa (42), Ilocos Region (35), Western Visayas (26), at Calabarzon (25).
Umabot na sa P1.1 bilyon ang tulong na naipamahagi ng pamahalaan sa mga apektadong komunidad. Patuloy din ang koordinasyon ng mga ahensya para matugunan ang pagbaha, lalo na sa Pampanga.
Samantala, 549 evacuation centers ang nananatiling bukas at kumukupkop sa 11,900 pamilya o 40,600 katao.
Nananatili sa 29 ang bilang ng namatay, habang 19 ang nasugatan at tatlo ang nawawala. Umabot naman sa P6.6 bilyon ang pinagsamang pinsala sa imprastraktura at agrikultura.
Mayroon ding 89 lungsod at munisipalidad na nasa ilalim ng state of calamity, kabilang ang buong mga lalawigan ng Bataan, Bulacan, Pampanga at Cavite, pati ilang lugar sa Pangasinan, Benguet, Zambales, Rizal at Batangas. RNT/MDS