Home OPINION MGA PAGPATAY NAKATATAKOT NA (2)

MGA PAGPATAY NAKATATAKOT NA (2)

277
0

PANININDIGAN ka talaga ng balahibo sa takot sa mga nagaganap na krimen sa Pinas.

Ito’y dahil sa paglitaw ng mga pulis na aktibo, Absent Without Official Leave at iba pang pulis na gumagawa ng mga karumal-dumal na krimen.

Siyempre pa, may ibang mga gumagawa pero kung may kasamang mga pulis sa paggawa ng krimen, matatakot ka lalo.

Ito’y dahil sa paggamit nila ng mga sasakyang pulis, tsapa, uniporme o baril na pawang ligal na iniisyu sa kanila ng gobyerno at libre sa checkpoint.

Kahit makitaan pa ang mga ito ng mga nakaposas o nakapiring na kasama nila na kanilang papatayin sa kalaunan dahil ipinalalagay silang gumagampan ng regular na tungkulin ng mga kapwa nila pulis sa mga checkpoint.

Kahit ang mga AWOL, umakto pa ring aktibong pulis at gumamit ng tsapa, uniporme at baril.

KASONG LOPEZ AT COHEN

Mga AWOL na pulis ang dinampot ng mga tauhan ni Criminal Investigation and Detection Group Maj. Gen. Leo Francisco.

Sina Michael Angelo Guiang at Rommel Abuza, parehong AWOL mula sa Angeles City Police, Pampanga ang kasama sa mga pangunahing suspek na hawak na ng mga awtoridad.

Nakumpiskahan umano ang mga ito ng sari-saring baril at pampasabog kaya makakasuhan din ang mga ito sa paglabag ng mga kaukulang batas dito.

Pero pinagdadampot ang mga ito sa pagpatay kina Pampanga beauty queen Geneva Lopez at boypren nitong Israeli na si Yitshak Cohen at inilibing ang mga ito sa isang quarry site sa Brgy. Sta. Lucia, Capas, Tarlac.

Isa sa mga AWOL na pulis ang umano’y nakautang sa magboypren, partikular kay Cohen, ng malaking halaga ngunit hindi na ito nakapagbayad, at naging prenda sa pautang ang isa o dalawang lote sa Capas.

Pinatay at inilibing na ang magboypren, sinunog pa ang kanilang sasakyan.

Nabuking lang sila nang sumuko ang tsuper na nagbiyahe ng bangkay ng mga biktima at ang inasatasang sumunog ng sasakyan ng mga ito.

KASONG 9 NA PATAY

Wala pang malinaw, mga Bro, na ulat ng mga awtoridad ukol sa mga may kagagawan naman ng mga pinagpapatay na 9 katao sa Pampanga.

Anim na Chinese, isang Japanese, isang Vietnamese at isang Malaysian.

Ayon kay Pampanga Police director Col. Jay Dimaandal, walo sa mga ito ang may mga kaso nang nakasampa at laban sa mga may kagagawan ng krimen.

Pero sinabi nitong galing pa sa Pasay City ang tatlo umano sa mga Chinese na pinatay.

Bigla tuloy nating naalaala na nahuli at nakasuhan na ng dismissal at kriminal ukol sa kidnap-for-ransom sina Maj. Christel Villanueva at Staff Sgt. Ralph Tumanguil, ng Pasay City Police Station, Master Sgt. Ricky Tabora, ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Senior Master Sgt. Angelito David, ng Makati City Police Station.

Hinarang at kinidnap-for-ransom ng mga aktibong pulis at hindi AWOL ang mga biktimang tatlong Chinese at isang Malaysian sa Taft Avenue, sakop ng Pasay noong Hunyo 2, 2024 dakong 12:30 ng umaga.

O hindi ka ba tatablan ng takot sa mga pulis kahit pa nakararami sa mga ito ang matino at tapat sa tungkuling proteksyunan at pagsilbihan ang mga mamamayan?

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here