Home OPINION BUKAS SA PUBLIKONG ICI, NASAAN?

BUKAS SA PUBLIKONG ICI, NASAAN?

242
0

NALALAGAY ngayon sa alanganin ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa anunsyo nitong hindi bukas sa publiko ang ginagawa nito.

Nasa balag ng alanganin ang ICI dahil kung kailan ipinaglalaban ng taumbayan ang tinatawag na transparency, kaiba naman ang paiiralin ng ICI.

May pasubali naman ang ICI sa pagsasabing gagawan nila ng paraan na makararating sa publiko ang pag-uusapan nila sa loob.

Iiwasan lang umano nila na magkaroon ng trial by publicity.

‘Yun bang === nais nilang iwasan ang pagkakaroon ng mga paghuhusga sa mga tao at mga kaaliwaswasan na kanilang iniimbestigahan.

Tama nga naman.

HAHANTONG SA KUNG SAAN-SAAN

Kung tutuusin, mahirap nga namang habang nag-iimbestiga sila, eh, guguluhin sila ng mga aksyon at pakikialam lalo na ang mga may interes sa mga usapin.

Pwede ngang hahantong ang pakikialam ng mga may interes sa banta sa seguridad ng mga miyembro ng ICI at iba pa.

Nang sumabog nga ang anomalya sa flood control na ngayo’y kanilang iniimbestigahan, sunod-sunod na ang pagpatay at pamamaril ngayong Setyembre sa mga inhinyero, kabilang ang sa Abra, Maguindanao del Norte, South Cotabato at Batangas.

Hindi pa naman malinaw kung konektado sa mga anomalya sa flood control at iba pang imprastraktura ang pagpatay sa mga inhinyero.

Sa totoo lang, sa laki ng pangalan at taas ng posisyon ng mga isinasangkot sa mga anomalya, hindi imposibleng maiimpluwensiyahan din ang imbestigasyon ng ICI na hahantong sa pagwalis sa listahan ng mga buwaya at tanging mga sapsap at butete lang ang maiiwang luhaan at madala sa Bilibid, kapag mapapatunayan silang nagkasala sa korte na roon sila irerekomenda ng ICI para litisin.

Isa pa, hindi pinal ang anomang kongklusyon na kanilang mabubuo at tanging ang korte ang magsasabi kung tama sila o hindi sa pagsasampa ng kaso depende sa mga ebidensya at nauukol na batas na isusumite nila sa korte.

Paano kung mananaig ang hilaw at maling impormasyon at pagmulan ito ng gulo at mga demonstrasyon na hindi basta-basta mapipigil at kasama sa mga aatakehin ang lugar mismo ng pinagdadarausan ng imbestigasyon, gaya ng nangyayari sa Senado at sa Kamara noon?

WALANG PALALAGPASIN AT KIKILINGAN

Anoman ang kondisyon sa pagpapalabas ng impormasyon ng ICI sa publiko, ang pagsakop sa lahat ng mga suspek at gawa ng mga ito ang inaasahan ng taumbayan.

‘Yun bang === mula Ilocos Norte hanggang sa Kabisayaan at Mindanao ang sasakupin.

Kapag lumihis ang ICI dito at lalabas na mayroon silang pinoprotektahan at kinikilingan, hindi mapipigilan ang taumbayan na igiit ang kanilang kapangyarihan na higit ninuman, kahit ang ICI at pamahalaan.

‘Yang pagiging patas nang walang takot at kinikilingan sa lahat ng imbestigasyon at pagsasakdal sa mata ng taumbayan dapat ang tiyaking isagawa ng ICI.

Sana hindi mabibigo ang taumbayan sa inyo riyan sa ICI.

Kung hindi, sa Senado na lang ipaubaya ang lahat na sa mga araw na ito ay nakikitang patas, sakop ang lahat na korap at mandarambong at mag-eendorso rin sa huli ng mga kaso sa mga kinauukulang korte.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here