KARAPATAN ng bawat manggagawa ang bumalik sa kanilang pamilya nang buo at ligtas matapos ang isang araw ng pagtatrabaho. Ang isang masaklap na katotohanan ay nakokompromiso rin ang kanilang kaligtasan ng dahil sa pagkagahaman at korapsyon sa pagitan ng ilang may-ari ng proyekto at kontraktor.
Sa ilalim ng batas, malinaw ang tungkulin at patakaran kabilang ang pagbibigay ng libre at sapat na protective gear, tamang pagsasanay, at maayos na pasilidad. Ngunit kapag nagkaroon ng sabwatan sa pagitan ng ilang may-ari ng proyekto at kontraktor, unti-unting lumalabnaw ang mga pamantayan ng kaligtasan ng manggagawa. Aba, hindi lang yun, maaari ding maapektuhan ang publiko lalo na kung ang pondong inilaan para sa matibay na bakal ay pinapalitan ng substandard na materyales tulad na lamang ng nangyari sa isyu ng flood control. Halimbawa pa nito ang pagtitipid o pagkakait ng budget para sa personal protective equipment o PPE para lamang may maibulsa ang iilan. Naisasantabi tuloy ang mahigpit na inspeksyon na dapat gampanan ng mga manager at supervisor.
Isa pang konkretong halimbawa ang pagbagsak ng mga gusali o tulay —mga estrukturang itinayo gamit ang murang materyales upang mas malaki ang tubo ng kontraktor at may-ari. Sa mga ganitong kaso, hindi lamang estruktura ang bumagsak; kasabay nitong gumuho ang tiwala ng mga manggagawa at publiko. Ang mga obrero ang unang nalalagay sa peligro, buwis-buhay, ‘ika nga. Pinagkakaitan sila ng matibay na helmet, full-body harness, safety training, mahunang safety shoes, upper and lower garments at iba pa. Ang matindi pa rito ay pinagbabayad pa ang ilan para lamang makatrabaho.
Hindi lamang pisikal na panganib ang dulot ng ganitong sabwatan. Ang mental health ng manggagawa ay labis ding apektado. Ang takot, stress, at kawalan ng tiwala ay nagiging karagdagang pasanin, lalo na kung alam nilang sadyang niloloko ang pamantayan ng kaligtasan.
Malinaw na ang korapsyon ay hindi lamang isyu ng maling paggamit ng pondo—ito ay direktang banta sa buhay at dignidad ng manggagawa.
∞∞∞
Iniimbitahan ang lahat na dumalo sa nalalapit na 19th National Occupational Safety and Health o NOSH Congress na gaganapin sa October 6-7, 2025 sa Solaire Resort North sa Quezon City. Pangungunahan ito ng Occupational Safety and Health Center ng labor department.






