PORMAL na inilunsad ng Social Security System (SSS) nitong Setyembre 29, 2025, ang kanilang pinakabagong micro-lending program na tinawag na “LoanLite,” na layong magbigay ng mas madaling ma-akses, abot-kaya, at ligtas na pautang para sa mga miyembro, habang pinoprotektahan sila laban sa mapagsamantalang lending practices.
Ayon kay SSS President and Chief Executive Officer Robert Joseph Montes de Claro, bahagi ito ng 40 taong pakikipag-ugnayan ng ahensya sa UnionBank of the Philippines na ipinagdiriwang sa ilalim ng temang “Serbisyong NextGen.”
“Sa pamamagitan ng LoanLite, nais naming masiguro na ang mga miyembro ng SSS lalo na iyong mga mas mahina ang kalagayan ay magkakaroon ng ligtas at maaasahang pautang imbes na mabiktima ng mga loan shark,” ani PCEO De Claro.
Ipinahayag naman ni UnionBank President at CEO Ana Aboitiz-Delgado ang kanyang kumpiyansa sa magiging epekto ng programa at muli niyang tiniyak ang kanilang suporta. “Ipinagmamalaki naming maging unang banking partner ng SSS para sa kanilang bagong micro-loan program na isang socially responsive initiative na tutulong sa mga miyembro sa panahon ng pangangailangang pinansyal,” sabi ni Delgado.
Inaasahang makikinabang ang milyon-milyong miyembro ng SSS sa buong bansa sa pamamagitan ng LoanLite, dahil mag-aalok ito ng short-term loans na may mas pinadaling aplikasyon at makatarungang interes. Ang loan shark ay tumutukoy sa mga iligal o hindi lisensyadong nagpapautang na kadalasang naniningil ng napakataas na interes, lampas sa itinakdang regulasyon ng pamahalaan o bangko.
Kilala rin sila sa mga tawag na 5-6 lenders o illegal lenders, na umaasa sa agarang pangangailangan ng mga tao sa pera upang makapaningil ng sobra-sobrang tubo. Karaniwang walang malinaw na kasunduan o dokumento, at gumagamit sila ng pananakot, panggigipit, o minsan ay dahas kapag hindi nakakabayad ang umutang.
Sanhi ng sobrang taas ng interes, mas lumalaki ang utang kaysa sa nababayaran, kaya’t hindi makawala ang mga nangungutang.
Maraming biktima ang nakararanas ng panggigipit, pananakot, at matinding pressure mula sa mga nagpapautang.
Madalas na ang perang dapat mapunta sa negosyo o pang-araw-araw na gastusin ay nauubos lamang sa pagbabayad ng interes.
Dahil sa kakulangan ng accessible loans mula sa mga pormal na institusyon, napipilitan ang iba na lumapit sa loanshark, na lalo lamang nagpapalala ng kanilang kalagayan. Maaari itong magdulot ng depresyon, pagkasira ng relasyon sa pamilya, at minsan ay pagtakas o pagpapakamatay ng ilan na hindi na makabayad.
Kaya mahalaga ang programang katulad ng LoanLite dahil nagbibigay ito ng ligal, maayos, at abot-kayang alternatibo para sa mga miyembro ng SSS. Nakatutulong itong maputol ang cycle ng pang-aabuso ng mga loan shark sa mga ordinaryong manggagawa.Nagsisilbi itong hakbang para sa financial inclusion, kung saan mas maraming Filipino ang magkakaroon ng akses sa pormal na sistemang pampinansyal.






