Home OPINION SABI NG SARBEY

SABI NG SARBEY

188
0

NAGSALITA na ang pinakahuling sarbey at ayaw ng napakaraming Pilipinong  amyendahan ang Saligang Batas. Ibig sabihin, dapat ng itigil ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas ang kanilang pamimilit na magkaroon ng Charter change. Ewan na lang natin kung makikinig ang mga Kongresista natin o mananatiling magbibingi-bingihan.

Inilabas ng Pulse Asia ang resulta ng kanilang sarbey na ginawa noong March 6-10, 2024. Ang mga pinakamahalagang punto dito ay una, 75% ng mga Pilipino ay wala o kokonti lang ang alam tungkol sa ating Saligang Batas. Pangalawa, halos 90% ng mga kababayan natin ay hindi sang-ayon na baguhin o amendyahan ang 1987 Constitution.

Gumamit ang Pulse Asia ng mga pamamaraan na kinikilalang “gold standard” o mga mataas na pamantayan sa pagsasagawa ng sarbey, kasama na ang probability sampling, kung saan 1,200 na Pilipino ang nakiisa sa mga face-to-face na interbyu. 95% ang confidence level ng resulta.

Taliwas ang mga mensahe ng sarbey ng Pulse Asia sa isa ring sarbey na inilabas naman ng Tangere noong March 22 kung saan lampas kalahati raw ng mga Pilipino ay pabor sa isinusulong na ChaCha. Ang sablay nga lang, gumamit ng kwestyonableng pamamaraan ang Tangere sarbey kung saan mobile apps lang pala ang paraan ng pagsagot sa sarbey.

Hindi rin malinaw kung sino ang nagbayad ng sarbey ng Tangere, sino ang mga sumagot, saan ginawa ang mga sarbey at ano ang mga tanong na nakapaloob sa sarbey. Sa isang matalinog tao, nakapagtataka kung bakit hindi malinaw na inilatag ang mga elementong ito ng Tangere sarbey.

Sa opinyon ko lang naman, mas kapani-paniwala ang Pulse Asia sarbey. Sa totoo lang, hindi nakabibigla ang resulta ng sarbey nila. Hindi mo kailangang maging genius para maintindihan na ang mas kailangan ng mga Pilipino ay trabaho, sweldo, murang pagkain, maayos na transportasyon, murang kuryente at malinis na kapaligiran. Hindi ‘yan mga ambisyon ng mga pulitiko kundi ang madagdagan ang termino nila.

At ito ang dapat na pakinggan ng Senado sa kanilang patuloy na debate kung kailangan nga bang galawin ang Saligang Batas natin. Baka dapat nga ay ibasura na ang sayaw ng Cha-Cha ng mga pulitiko.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here