MAALALA ba ninyo o dinarasal ba ninyo ang turong dasal ni Kristo sa kanyang mga Apostol?
Isang bahagi ng dasal na kilalang Ama Namin ang nagsasabing “iadya mo kami sa masasama” na pinale ng nasabing dasal.
Naalaala natin ito, mga Bro, dahil sa mga sunod-sunod na krimen na kinasasangkutan ng mga pulis.
Ang mga iskalawag lalo.
Kaya naman, para akma sa mga iskalawag, sasabihin o hihilingin natin sa Diyos Ama na “Iadya mo kami sa mga iskalawag na pulis. Amen.”
4,000 ISKALAWAG
Simula nang manungkulan si Pangulong Bongbong Marcos noong Hulyo 1, 2022, iniulat ng pulisya na nasa 4,000 pulis ang nasampahan ng kaso sa iba’t ibang paglabag sa batas.
Sa Hulyo 1, 2022 hanggang Enero 2024, halos 1,000 sa mga pulis na ito ang sinibak o tinanggal sa pulisya dahil sa mga seryosong paglabag sa batas at pag-alis na rin ng mga pribilehiyo ng mga ito, kasama ang karapatang pagbabalik nila sa serbisyo sa pamahalaan.
Yung iba na napatunayang nagkasala ay pinarusahan ng demosyon, suspensyon, pagalit at iba pa.
Mahigit `107 ang sinibak dahil sa pagkakasangkot sa droga.
Nang umupo si Philippine National Police chief Gen. Rommel Marbil, sinabi nitong malinis na ang pulisya at hamon sa kanya ang pagbibigay ng benepisyo sa mga pulis upang lalong maging masipag at matapat ang mga ito sa tungkulin.
Pero hindi pa nag-iinit ang puwet nito sa kanyang upuan, sumulpot na ang mga kabulastugang kinasasangkutan ng mga pulis gaya ng mga kidnapping-for-ransom sa Pasay City, pagpatay ng pulis sa kapwa pulis na nangikil sa dayuhan sa Taguig City at pagkakasangkot sa pagpatay at paglilibing ng bangkay ng isang beauty queen at Israelita sa Tarlac bagama’t mga awol na pulis-Angeles City, Pampanga ang mga ito.
Iba pa ang mga pabaya sa tungkulin kaugnay ng napakaraming iligal na POGO na ngayo’y nire-raid at nilalansag ng pulisya at iba pang sangay ng pamahalaan.
Hindi na dapat pagtakhan kung bakit umuusok ang bumbunan ni Chief PNP sa mga sumulpot na iskalawag na tauhan niya;
ISKALAWAG 99% LANG AT ‘DI DAPAT KATAKUTAN
Ipinagdidiinan mismo ni Interior Secretary Benhur Abalos na 99% malinis ang ngalan ng nasa 228,000 pulis at 1% lang ang bumubuo ng mga iskalawag.
At naniniwala tayo kay Sec. Abalos dahil nasa 4,000 lang naman ang iskalawag.
Pero ang 4,000 iskalawag at nasa 1,000 sinibak sa mga seryosong paglabag sa batas, pwera ang mga bagong sangkot sa kidnapping-for-ransom, murder, sangkot sa droga, at iba pa, ay napakalaking disgrasya sa mga mamamayan.
Kaunti man ang bilang nila, napakalaking pwersa pa rin upang ilagay sa panganib ang buhay, ari-arian at kalayaan ng mga mamamayan at kahihiyan ng Pilipinas sa ibang bansa.
Ngayon naman, sasabihin nating hindi lang dapat magdasal ang mga mamamayan laban sa mga iskalawag kundi tumulong na rin mismo sa pamahalaan sa cleansing program nito.
May kapangyarihan ang mga mamamayan na makialam sa pagtutuwid at paglilinis sa pulisya at walang dapat matakot.






