Home OPINION ‘HULING ALAS’ NI ROMUALDEZ SA SENADO

‘HULING ALAS’ NI ROMUALDEZ SA SENADO

230
0

SA kabila ng malinaw na kagustuhan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ng nakararaming Pilipino, lalo na sa Visayas at Mindanao, na huwag nang ituloy ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, patuloy pa rin ang ilang personalidad sa pulitika na ituloy ito. Bakit nga ba? Simple lang ang sagot, dahil sa ambisyon.

Ayon sa survey ng Pulse Asia, 50% ng Pilipino ang ayaw sa impeachment. Habang 25% lamang ang sang-ayon dito. Mas importante para sa kanila ngayon ang katahimikan, pagkakaisa, at ang pagkakaroon ng trabaho. Pagod na ang taumbayan sa bangayan. Gusto ng mamamayan sa gobyerno na nakatuon sa ekonomiya, seguridad, at tunay na serbisyo. Malinaw ang panawagan at ito’y huwag nang guluhin ang gobyerno sa pamamagitan ng impeachment na halata namang may halong pamumulitika.

Ngunit tila bingi si House Speaker Martin Romualdez. Sa halip na makinig siya sa “Boses ng Bayan”, pilit pa rin niyang isinusulong ang personal na interes. Patuloy niyang itinutulak ang impeachment laban kay VP Sara, kahit kapalit nito ang pagbalewala sa batas, proseso, at sa ating Saligang Batas. Heto nga’t binubuhay na niya ang kanyang ambisyon sa pamamagitan ng panibagong kutsabahan sa Senado.

Ang sabi’y binabata-bata ni Romualdez si Senator-elect Tito Sotto at ito ang manok niya para palitan si Senate President Chiz Escudero sa pagbubukas ng bagong Senado.

Hindi lingid sa kaalaman ng marami na maingay si Sotto ngayon sa isyu ng impeachment. Pabor siya na matuloy ito. Sa katunayan, kahit noong kampanya pa lang ay ito na ang kanyang kagustuhan. Ka-tandem niya rito ang isa pang nagbabalik-Senado na si Ping Lacson, na isa ring kaalyado ni Romualdez sa planong pagpapatalsik kay VP Sara.

Kung tutuusin, hindi lang impeachment ang tunay na layunin. Ito’y bahagi ng mas malawak na plano para sa 2028. Hindi itinatago ni Romualdez ang kanyang ambisyon na maging pangulo. Kapag nawala nga naman si VP Sara sa eksena, ang tingin niya ay mas magiging maluwag ang daan para sa kanya. At ang impeachment ang kanyang huling baraha pero ang problema, walang sapat na numero si Sotto para maging susunod na pinuno ng Mataas na Kapulungan, ayon na rin ito kay Senator Alan Peter Cayetano.

Ang impeachment na isinusulong ng Kamara sa pangunguna ni Romualdez ay malinaw na walang suporta ng taumbayan, ni Pangulong Marcos, at wala ring bilang sa Senado. Higit sa lahat, malabnaw ito, depektibo, at walang tinatayuang prinsipyo. Kundi pulitika at ambisyon lang.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here