Home OPINION CABRAL FILES

CABRAL FILES

271
0

ANO kaya ang mangyayari sa Cabral Files?

‘Yun bang === naiwang mga rekord ni namayapang Department of Public Works and Highways (DPWH) Cathy Cabral na umano’y naglalaman ng daan-daang bilyong pisong halaga ng mga insertion o maniobra ng mga kongresman, senador, taga-Malakanyang at taga-DPWH sa General Appropriations Act, kasama ang unprogrammed funds, sa loob ng nakalipas na tatlong taong panunungkulan ni Pangulong Bongbong Marcos.

Ayon kay Batangas Congressman Leandro Legarda Leviste, hindi siya nag-aakusa ng korapsyon lalo’t halos lahat ng mga mambabatas, kasama ang ilang taga-Palasyo at sarili niyang ina na si Senadora Loren Legarda, ay may insertion.

Nais niya lang umanong ilantad ang lahat ng hawak niya na sinusuportahan na rin umano ng mga dokumento na nanggagaling mismo sa mga taga-DPWH.

Ito’y para makatulong siya sa pagtutuwid sa mga mali…kung may mali.

Bagama’t maaaring may insertion umano na walang kaaliwaswasan, may mga insertion na may maniobra naman para kumita o makakikbak ang mga korap.

Lumilitaw umano ang posibleng kikbakan dahil sa mga multo, marupok at sobra-sobrang presyo ng mga proyekto.

KUMPIRMASYON NAKATENGGA PA

Marami umano ang may hawak ng Cabral Files.

May hawak ang ilang taga-media, kasama na ang mga kumukuha ng lahat ng kanyang inilalabas ngayon sa social media.

May hawak din ang Senate blue ribbon committee, ang Kamara at iba pa.

At ang nasa mga kompyuter na roon nakalagay ang original na Cabral Files, nasa Office of the Ombudsman o OMB na ngayo’y sumusuri nito.

Nagdedepende ngayon ang lahat sa Ombudsman para sa mga ligal at pang-korteng usapin.

PAANO KUNG MAY MAHAHALAGANG PAGKAKAIBA?

Ang isang napakahalagang usapin sa Cabral Files ay ang nilalaman o datos nito.

Paano kung may pinakamahahalagang usapin na hawak ng iba na kaiba sa palalabasin ng OMB?

Ang pangunahing punto: Paghahanap at paglalabas ng pinakamalalaking korap at lahat ng mga sangkot sa korapsyon patungo sa katarungan at kapakanan ng mga mamamayan.

Umaasa tayong walang sasantuhin ang OMB upang tuluyan nang malinis ang pamahalaan sa kamay ng mga korap, managot ang dapat managot, maibalik ang mga nakaw na yaman at maibalik sa tao ang mga kinikbak sa anyo ng mga serbisyong para sa kanilang tunay na kapakinabangan.

Subalit paano nga kung hindi lalabas ang mga rekord ng korapsyon na inaasahan ng mga mamamayan mula sa OMB ngunit nasa mga rekord na hawak ni Leviste at iba?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here