INANUNSYO ng Iran na nakagawa na ito ng mga bombang nukleyar at posibleng gamitin ang mga ito kung magpapatuloy ang United States at Israel na sirain ang Iran at ibagsak ang pamahalaan ng Islamic Republic na namumuno sa nasabing bansa.
Ito’y sa kabila ng pagsasabi ng United States at Israel na nadurog na nila ang Natanz nuclear plant, Iran na pinaniniwalaan nilang doon ginagawa ang nuclear material.
Ginawa ang mga bomba sa panahong hinarangan ng Iran ang mga inspector ng International Atomic Energy Agency na pumasok sa mga plantang nukleyar doon.
Nagkarga na umano ang Iran ng mga bombang nukleyar sa mga missile nito at anomang araw, pwede na umano nilang gamitin ito laban sa Israel at US military bases sa Middle East.
Agad naman umanong nagpulong ang US at Israel dito at planuhin ang gagawin laban sa Iran.
Nauna rito, inanunsyo mismo ng Iran na mismong ang Saudi Arabia, na kakampi ng US at Israel sa giyera, na mayroon na ring bombang nukleyar.
Kapag ginamit ng Iran ang mga bombang nukleyar, pinaniniwalaang lalong babagsik at lalawak ang ngayo’y giyera na ikinadamay na rin ng Saudi Arabia, Bahrain, Qatar, Jordan, Iraq, Kuwait, Oman at United Arab Emirates, Cyprus, Turkey, Azerbaijan, Lebanon at Yemen.
Iniisip natin dito, mga brad, ang direktang pagkakadamay ng nasa 2.8 milyong Pinoy na nakakalat sa Middle East, kung totoong mayroon na at posibleng gamitin ng Iran ang mga bombang nukleyar nito.
Kung sisiklab anomang araw ang giyerang nukleyar sa rehiyon, ano-ano na ngayon pa lang, ang mga nasa isipan at gagawin ng pamahalaang Marcos at mga politiko para iligtas sa panganib ang mga Pinoy?
Gaya ng nangyayari, agawan sa kapangyarihan ba ang higit na aatupagin ng mga ito kaysa pagliligtas sa mga Bago at Buhay na Bayani?






