MATITINDI ang mga giyera na nagaganap sa Pinas at Iran.
Sa Pinas, pulitikal ang giyera habang pisikal na giyera ang sa Iran.
GIYERANG PINAS
Isa sa mga pinakasentro ng giyerang pulitikal ang nauugnay sa 18 Marines na nagsiwalat ng pinakamalalaking korapsyon at kikbakan sa mahal kong Pinas.
Makaraang magsiwalat ang 18 Marines ng umano’y pagdedeliber nila ng malalaking halaga ng salapi kina Pangulong Bongbong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, Ilocos Congressman Sandro Marcos, dating Speaker Martin Romualdez, Leila de Lima, dating Senador Antonio Trillanes, naririyan ngayon ang katakot-takot demandang libelo na isasampa umano nina Trillanes, De Lima at Fr. Flaviano Villanueva laban sa Marines at abogado nilang si Levi Baligod.
Sinabi naman ni National Bureau of Investigation Director Mevlin Matibag na may dagdag na 20 Marines ang 18 Marines na gustong tumestigo ukol sa male-maleta at bagbag na salapi na deliveries mula kay dating Ako Bikol Partylist Representative Zaldy Co.
Sa Senado, may giyera na rin sa pagitan nina Sen. Dante Marcoleta at Sen. Ping Lacson sa hindi pagtawag ng huli ng imbestigasyon sa 18 Marines.
Idinadahilan ni Lacson na imposibleng mangyari ang claim ng Marines sa pagdedeliber ngunit ipinaliliwanag ni Marcoleta na malalaman lang ang buong katotohanan o kasinungalingan ng Marines kung maimbestigahan sila.
May nagsasabi naman inilalantad lang ang Marines para sa ibang layunin at walang iba kundi subuking patalsikin sa pwesto si Pang. Bongbong.
Alalahaning nakakuha ang Marines ng suporta ng maraming heneral ng militar at pulis at iba pang mga opisyal, kasama ang ibang mga politikong lumalaban kay Marcos.
GIYERANG IRAN VS US-ISRAEL
Madugo ang giyerang ito.
May 1,300 nang namatay sa Iran, ayon sa Red Crescent; 400 sa Lebanon, 7 Amerikano, 80 navy men ng Iran, habang may mga namatay na rin sa Saudi Arabia, Kuwait, Iraq, Syria at Oman, ayon naman sa iba.
Sa Israel, kontrolado ng ulat subalit marami na umano ang namatay rito, kasama ang isang kapatid ni Prime Minister Benjamin Netanyahu at isa nating kababayang caregiver.
Nagsimula na umanong maramdaman ang kagutuman sa marami sa mga ito dahil walang makapaghanapbuhay nang maayos dahil sa giyera.
Nagsimula na ring magkaroon ng krisis sa tubig dahil nagsisiraan na ang Iran, Israel at iba pang Arabong bansa ng water desalinization plant o planta ng tubig na nagkukumbert ng tubig-dagat sa tubig inumin, panluto at panlinis.
Alalahaning maraming disyerto sa mga bansang ito na dahilan ng labis na kakulangan ng tubig at sa dagat sila kumukuha ng tubig para maging tubig-inumin ang mga ito.
Siyempre pa, dahil sa giyera na nagpasara na sa Strait of Hormuz, walan nang gumagalaw na barko para magbiyahe ng langis.
Wala nang deliveries ng langis, lalo na sa Asya, kasama ang Pinas, mula sa Iran, Iraq, Kuwait, United Arab Emirates, Qatar, Oman, Saudi Arabia.
Kung ano ang mga magaganap bukas, masakit para sa lahat at tayo nga, ramdam na ang pagbabawas ng remittance ng mga overseas Filipino worker habang naglundagan na ang presyo ng mga petrolyo na nagpataas na rin sa lahat ng presyo ng bilihin.






