KAHAPON, naging totoo ang sobra-sobrang pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa giyerang pinasimulan ng mga Amerikano, kasama ang Israel, laban sa Iran.
Noong Lunes, maglalaro sa P17-P24 kada litro ang katamtamang pagtataas, ayon sa mga awtoridad.
At nangyari ngang may P11-13 kada litro para sa gasolina, P21-23 sa diesel at P33-35 sa gaas o kaya’y katamtamang P17-24 kada litro.
At ang matindi pa, lalo pang tataas ang presyo kung magtatagal at babangis ang laban sa Middle East.
Sabi mismo ng Iran, kaya nilang magtagal sa laban sa loob ng anim na buwan.
Kung mangyari ito, maaari umanong umakyat ang presyo ng krudo sa P200 kada bariles, doble sa kasalukuyan.
Paano na ang lahat mula sa transportasyon hanggang sa mga mangingisda, magsasaka, vendor at iba pa na nabubuhay sa paggamit ng mga produktong petrolyo ngayong ganyan na kamahal at magmamahal pa?
Sa ngayon, inaamin mismo ng Department of Energy na inutil ito sa pagkontrol sa presyo ng langis dahil hindi ito pinapayagan ng Oil Deregulation Law.
Malayang-malaya ang mga kompanya ng langis na magdikta ng presyo at walang magagawa ang gobyerno, kahit pa may mangyayaring overpricing at iba pang pagsasamantala, gaya ng maagang paniningil ng pinataas na presyo.
Ang magagawa na lang ay pagbibigay-kapangyarihan sa Pangulo para bawasan o suspendihin ang excise tax na P10 sa gasolina, P6 sa diesel at P3 sa gaas at liquified petroleum gas.
Ngunit nagiging makunat pa sa inuyat ang mga kongresman at senador sa pagkilos para sa pagbibigay ng nasabing kapangyarihan.
Napakabibilis at napakaagap ang mga ito sa pagnanakaw sa kaban ng bayan ngunit kung hinihingan sila ng taumbayan ng agarang aksyon sa matinding krisis, ang dami-dami nilang tsetseburetse.
Kinnayo!






