MANILA, Philippines – Tinanggihan ng Sandiganbayan ang motion for reconsideration ni Jinggoy Estrada kaugnay ng kanyang mga kaso sa umano’y maling paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Sa resolusyon ng Fifth Division ng anti-graft court na inilabas nitong Huwebes, ibinasura ang mosyon ni Estrada na inihain noong Pebrero 16 na humihiling na maipasa sa korte ang records ng preliminary investigation mula sa Office of the Ombudsman.
Hiniling ng senador na baligtarin ang naunang desisyon ng korte noong Enero 27 na tumanggi sa parehong kahilingan. Ayon kay Estrada, kailangan niya ang mga record na ito para magamit sa cross-examination ng mga testigo ng kanyang mga kapwa akusado.
Ngunit sinabi ng prosekusyon na “vague” o hindi malinaw ang mga argumento ng senador at hindi sapat ang paglalarawan sa mga dokumentong nais niyang iharap bilang ebidensya. Ayon sa korte, wala ring sapat na dahilan upang baguhin ang naunang desisyon.
Inakusahan si Estrada na tumanggap ng milyon-milyong pisong kickback mula kay Janet Lim-Napoles kaugnay ng umano’y paglihis ng bilyon-bilyong pisong PDAF funds sa mga pekeng o problemadong livelihood projects na isinagawa ng mga NGO.
Bagaman dati nang napawalang-sala sina Estrada at Napoles sa kasong plunder na may kinalaman sa P200 milyong PDAF funds, nahaharap pa rin ang senador sa 11 counts ng graft kaugnay ng parehong kaso. RNT/MND