Home OPINION P8.51B CONSTRUCTION NG NEW CLARK CITY SPORTS COMPLEX IIMBESTIGAHAN NG NBI?

P8.51B CONSTRUCTION NG NEW CLARK CITY SPORTS COMPLEX IIMBESTIGAHAN NG NBI?

2
0

MAAARI bang imbestigahan ng National Bureau of Investigation ang umano’y maanomalyang P8.51 bilyon construction ng New City Clark Sports Complex?

Bakit hindi? Kung may sapat at bagong ebidensiya ngunit ang malaking tanong ay sino ba talaga ang iimbestigahan ng NBI?

Sa mga pahayag ni NBI Director Melvin Matibag, tila malinaw na ang sentro ng imbestigasyon ay si Sen. Alan Peter Cayetano. Ngunit paano naman si Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon? Bakit tila hindi siya kabilang sa pangunahing tinitingnan gayong hindi maikakailang may mahalaga rin siyang papel sa proyekto?

Matatandaang nagsampa noon ng reklamo ang Citizens Crime Watch Association laban kay Dizon, na noon ay president at CEO ng BCDA (Bases Conversion and Development Authority). Ang alegasyon ay may naganap na pag-bypass sa public bidding kaugnay ng isang umano’y irregular na joint venture agreement na nagkakahalaga ng P8.51 bilyon. Ano na ang naging resulta nito?

Agad namang ipinaalala ng Malacañang na batay sa Joint Resolution noong Disyembre 6, 2021, ibinasura ng Office of the Ombudsman ang reklamo dahil sa kakulangan umano ng ebidensya. Ngunit tandaan: Ombudsman ang nagdismiss at hindi ang husgado. Ibig sabihin, hindi ito umabot sa paglilitis at walang naging hatol ang korte.

Ngayon ay nais umanong buhayin ng NBI ang imbestigasyon. Gayunman, nilinaw mismo ni Matibag na “the NBI is not targeting Dizon as a suspect, but he may still be summoned to shed light on the investigation as a resource person due to his previous leadership role at the BCDA.” Kung gayon, tila si Sen. Cayetano lamang ang pangunahing tinututukan.

Ano ba ang naging papel ni Dizon? Bilang pinuno ng BCDA noon, ang ahensya ang nanguna sa development at construction ng NEW CLARK CITY SPORTS COMPLEX, kabilang ang pangangasiwa sa multi -bilyong pisong infrastructure contracts sa Malaysian developer na MTD Capital Berhad.

Samantala, si Cayetano naman, bilang Chairman ng SEA Games Organizing Committee, ang namahala sa kabuuang organisasyon at logistics ng palaro.

Pwede bang imbestigahan muli si Dizon kahis dinismiss na ng Ombudsman ang reklamo? Oo, kung ang pag-iimbestiga ng NBI at makakukuha ng bago, matibay at kapani-paniwalang ebidensya na maaaring magbigay ng “reasonable certainty of conviction,” maaari pa ring magsampa ng kaso.

Hindi rin maaaring gamitin dito ang depensang DOUBLE JEOPARDY. Hindi. Walang double jeopardy sa kaso ni Dizon sapagkat walang naging paglilitis at walang naging acquittal mula sa isang hukuman. Ang dismissal ng Ombudsman ay hindi katumbas ng hatol ng korte na nakabatay sa merito ng kaso.

Kaya ang tunay na usapin ngayon ay hindi lamang kung bubuhayin ang imbestigasyon, kundi kung pantay ba ang pagtingin ng NBI sa lahat ng posibleng managot. Kung may sapat na batayan upang usisain si Cayetano, dapat ding pairalin ang parehong pamantayan sa lahat ng opisyal na may mahalagang papel sa proyekto.

Kung hindi, mahirap maiwasang isipin ng publiko na PUMIPILI NG TARGET ang imbestigasyon. At kapag ganoon ang naging impresyon, natural lamang na may magtanong: PAGHAHANAP BA TALAGA ITO NG KATOTOHANAN, O PAGPILI LAMANG KUNG SINO ANG DAPAT MANAGOT?

===========================

Atty. Ariel Inton

President/Founder

Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP)

09178174748

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here