ISA na namang usapin ang muling nagpapalito at nagpapabigat sa buhay ng mga motorista sapagkat sa gitna ng iba’t ibang ordinansa ng mga lokal na pamahalaan, dapat maging malinaw sa lahat ang Land Transportation Office at ang mga duly accredited enforcers lamang nito ang may kapangyarihang magkumpiska ng driver’s license, alinsunod sa Department of Transportation Order No. 001-2026.
Hindi ito opinyon ng isang abogado. Ito ay malinaw na nakasaad sa umiiral na patakaran.
Ang papel ng mga local government units ay ipatupad ang kanilang mga traffic ordinance sa pamamagitan ng pagbibigay ng citation ticket sa mga lumalabag. Hindi awtomatikong kasama rito ang kapangyarihang kumpiskahin ang lisensya ng isang motorista, maliban sa mga natatanging sitwasyong pinapahintulutan ng batas.
Ngunit narito ang masalimuot na katotohanan. May mga LGU sa labas ng Metro Manila na may sariling traffic ordinances na, bagama’t maaaring kwestyunin, ay presumed valid hangga’t hindi ito napapawalang-bisa ng konseho o ng hukuman.
Dahil dito, ipinatutupad ito ng kanilang mga traffic enforcers. Ang kawawa sa huli ay ang ordinaryong motorista na nahaharang sa kalsada at walang pagkakataong makipagtalo sa ligalidad ng ordinansa habang siya ay hinuhuli.
Hindi sapat ang simpleng anunsyo ng LTO na nagsasabing sila lamang ang maaaring mangumpiska ng lisensya. Kung taliwas sa pambansang batas ang isang lokal na ordinansa, dapat itong agad na repasuhin, amyendahan, o dalhin sa hukuman upang magkaroon ng malinaw na desisyon. Hindi maaaring iasa sa motorista ang pagdadala ng legal na argumento sa gitna ng operasyon sa lansangan.
Ang batas ay hindi dapat maging bitag sa mamamayan. Ito ay dapat magsilbing proteksyon laban sa pang-aabuso at kalituhan.
Bilang mga abogado ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), handa kaming umalalay sa mga motoristang maaagrabyado dahil sa maling pagpapatupad ng batas. Ang laban na ito ay hindi lamang tungkol sa driver’s license. Ito ay laban para sa rule of law, due process, at patas na pagpapatupad ng batas. Walang sinoman—maging lokal na opisyal o traffic enforcer—ang dapat lumampas sa kapangyarihang ipinagkaloob ng batas.
Ang batas ay dapat igalang, at higit sa lahat, dapat itong ipatupad nang tama at makatarungan.






