ANG edukasyon ay karapatan ng mamamayan dahil dito nakasalalay ang kinabukasan ng ating bansa. Kung maganda ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa ay magreresulta ito ng mga mahuhusay na mamamayan sa mga susunod na henerasyon.
Naniniwala rin tayo sa kasabihan ng mga matatanda sa una na ang edukasyon lamang ang maganda at makabuluhang maipapamana ng bawat magulang sa kanilang mga anak bukod sa ito rin ang maipapamanang kayamanang ng mga magulang sa bawat mga anak na hindi mananakaw ninuman.
Ang edukasyon ay kasama sa mga pangunahing batayang serbisyong pangangailangan ng mamamayan katulad ng kalusugan, trabaho, pagkain at tahanan.
Datapwa’t kamakailan lamang ay malaking problema ang kinakaharap ng SCUs (state colleges and universities) dahil sa panukalang badyet o pondo sa mga ito ay imbes sanang madagdagan pa ay ang nangyari ay tinapyasan o binawasan pa ito para sa taong 2027.
Halimbawa sa University of the Philippines kasama na ang mga satellite campuses nito sa buong bansa ay nagkaroon ito ng P29.47 bilyong badyet ngayong 2026 datapwat nakaltasan ito sa pondong P26.53 bilyon na lamang para sa 2027 na ang diperensya ay P2.95 bilyon.
Sa kabilang banda, ang Polytechnic University of the Philippines kasama na ang mga satellite campuses nito sa buong bansa ay nagkaroon ito ng P3.793 bilyong badyet ngayong 2026 ngunit nakaltasan ito sa pondong P3.501 bilyon na lamang para sa 2027 na ang diperensya ay P291.8 milyon.
Samantala, sa Cavite State University kasama na ang mga satellite campuses nito sa buong lalawigan ng Cavite ay nagkaroon ito ng P2.116 bilyong badyet ngayong 2026 subalit nakaltasan ito sa pondong P2.049 bilyon na lamang para sa 2027 na ang diperensya ay P67 milyon.
Mariin itong tinututulan ng SCUs mapa administrasyon man ng bawat kolehiyo at pamantasan lalo’t higit ng mga kabataang estudyante. Kaya kabi-kabila ang mga isinasagawang kampanya at protesta kontra EBC (education budget cut) gaya ng mga signature campaign, signing of manifesto, noise barrage, demonstration at rally.
Kaya nararapat lamang na ang pinakamalaking badyet ng ating gobyerno ay mailaan sa mga pangunahing batayang serbisyo na pangangailangan ng mga mamamayan lalo’t higit dito sa edukasyon na siyang susi para sa maganda, maayos at maunlad na bansang Pilipinas.






