Home OPINION PING, ILABAS MO RESIBO!

PING, ILABAS MO RESIBO!

2
0

MATAGAL nang ipiniprisinta ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang sarili bilang tagapagtanggol ng katotohanan—imbestigador na sumusunod sa resibo, galit sa pork barrel, at walang sinasanto.

Dahil mataas ang pamantayang ipinapataw niya sa iba, makatarungan lamang na iyon din ang gamitin sa kanya. Kaya rin ba niyang ilapat sa sarili ang searchlight na itinututok niya sa iba?

Muling uminit ang usapin nang maglabas si Lacson ng video tungkol sa inspeksyon ng Ombudsman, Philippine Reclamation Authority, Land Registration Authority at Department of Public Works and Highways sa sinasabing iligal na reclamation. Mabilis niya itong iniugnay sa “impunity” ng pamahalaang lungsod ng Taguig.

Mabigat na akusasyon. Ngunit ang mabigat na akusasyon ay nangangailangan ng mabigat na ebidensya. Ang inspeksyon ay nangangahulugang may sinusuri ang mga awtoridad—hindi patunay kung sino ang may kasalanan, sino ang nag-utos, o kung sangkot ang Taguig City Hall.

Malinaw ang sagot ng Taguig: hindi kanila ang lupang nasa video, wala silang inilabas na permit sa mga pribadong indibidwal, at hindi nila pagmamay-ari ang aktibidad.

Kung nagsisinungaling ang Taguig, ‘Ilabas ang resibo Ping!” Sampalin sila ng dokumento. Pero kung totoo ang kanilang pahayag, kailangang patunayan kung saan nanggaling ang akusasyon.

Hindi natin ipinagtatanggol ang korapsyon. Ang ipinagtatanggol natin ay ang malaking pagkakaiba ng akusasyon at patunay. Mismong Taguig ang nagpaalala: “The fight against corruption must always be a fight for truth, not a contest of accusations.”

Dapat itong tandaan ni Lacson. Siya man ay nakaranas ng mabibigat na akusasyon sa kanyang karera, kabilang ang Kuratong Baleleng at Dacer-Corbito cases, ngunit nanatili ang prinsipyo ng “due process” at “presumption of innocence”.

Kung nirespeto ng sistema ang kanyang karapatang mapatunayan ang mga paratang laban sa kanya, bakit tila ipinagkakait niya ito sa iba kapag siya na ang may hawak ng mikropono?

At mayroon pang isang tanong.

Ayon sa kanyang SALN, lumobo ang kanyang declared net worth mula ₱58.77 milyon noong 2022 tungo sa ₱244.94 milyon noong 2025—halos ₱186 milyon na pagtaas sa loob ng tatlong taon.

Paliwanag ni Lacson, nagmula ito sa ligal na negosyo sa real estate at trading at binayaran ang kaukulang buwis.

Karapatan niyang magpaliwanag. Ngunit ayon mismo sa kanyang pamantayan, ang paliwanag ay hindi kapantay ng ‘independent verification’.

Hindi natin sinasabing corrupt siya. Ngunit may makatwirang tanong ang publiko: Ano ang mga transaksyong nagdala ng ganitong kita? Sino ang kanyang mga business partner? Ano ang tunay na cash flow? Kung malinis ang lahat, mas lalong titibay ang kanyang reputasyon kung ilalabas ang mga dokumento.

Hindi sapat ang “Anti-Pork Barrel Hero” image bilang kapalit ng ebidensya. Ang taong naglalagay sa sarili sa pinakamataas na pedestal ng moralidad ang may pinakamabigat na tungkuling tiyaking patas ang kanyang timbangan.

Kung may kasalanan ang Taguig, ilabas ang ebidensya. Kung may kickback, sundan ang money trail.

At kung tinatanong ng publiko kung paano lumago ng ₱186 milyon ang iyong yaman sa loob ng tatlong taon—ILABAS MO ANG RESIBO.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here