
MULING pagbabalik ang hinihintay ng mga Manileño. Pagbabalik nino? Syempre kaya nga nila ipinanalo si Yorme Isko Moreno ay dahil nais nilang muling makapiling ang alkalde na siyang gumawa ng paraan upang maging malinis ang Maynila mula sa basura at mga sasakyan na siyang sagabal sa daan.
Hindi na pwedeng ang mga sasakyan lalo na ng pulis na nakabalagbag sa daanan lalo na dyan sa gawi ng Manila City Hall kapag naupo muli sa itong si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
Kaya dapat, tandaan mo na ito PSSG DONCOY ng Manila Police District- Moriones Police Station. Hindi ka na pwedeng magsiga-sigaan lalo na dyan malapit sa Land Bank of the Philippines dyan sa Arroceros.
Hindi porke’t pulis ka at ikaw ang nagmamaneho ng back to back police vehicle ng Moriones Police Station ay may karapatan kang ibalagbag o i-double park ang sasakyang gamit mo sa transaksyon mo sa MCH.
Iniwan mong nakabalagbag ang marked vehicle ng MPD-Station 2 na nakakasagabal sa daloy ng trapiko pero bago mo tuluyang iwan, nilapitan ka at kinausap ng parking attendant at nakiusap na iayos mo ang parada ng sasakyan subalit hindi mo binigyang pansin at tuloy-tuloy ka sa paglakad.
Kaya naman tinapatan ka ng Pakurot sabay pakiusap na pakitanggal mo ang sasakyang ibinalagbag mo subalit nangatwiran ka na sandali ka lang at may bibilhin lang sa malapit na convenience store. Iginiit ng inyong lingkod na sagabal ang sasakyan mo at dahilan ng pagpila ng mga sasakyan. Ang sagot mo, walang paradahan.
Napilitang magpakilala ang Pakurot na kabilang sa advisory council ng Moriones Police Station pero dahil hindi mo yata alam ang existence ng advisory council kaya ang sagot mo ay kibit-balikat lang at tumalikod ka na para pumunta sa kung saan ka man patungo habang naiwang nakabalagbag ang sasakyan mong marked vehicle. Iniisip tuloy ng mga dumaraan na siga at mayayabang ang mga taga-Moriones PS.
Nabatid ng inyong lingkod na kaya pala malakas ang loob mo at makapal ang mukha mo ay dahil ipinagyayabang mo ang koneksyon mo sa station commander mo. Eh hala, balitang-balita naman na ipinatapon ka sa Asuncion Police Precinct ng commander mo dahil nga sa pagiging abusado mo.
O, hayan Yorme Kois, pag-upo mo, pwedeng-pwedeng sampulan ang pulis na ito na siyang kalawang na sumisira sa bakal o magandang imahe ng pulisya at siyempre ng pamahalaan. Akalain mong ariing kanya ang kahabaan ng Arroceros.