Home OPINION AKSYON NG DTI, FDA SA MGA KADUDA-DUDANG PRODUKTO, ASAN?  

AKSYON NG DTI, FDA SA MGA KADUDA-DUDANG PRODUKTO, ASAN?  

WALANG humpay ang pagsipa ng presyo ng mga bilihin ngayon kaya naman marami sa ating mga kababayan ang naghahanap ng mas murang bilihin para sa araw-araw na pangangailangan.

Kaya naman biglang sikat itong DALI Everyday Grocery na marami ang naengganyo dahil sa presyo ng mga itinitinda nitong mga produkto.

Ngunit kaduda-duda ang mga produkto nito dahil mapaiisip ka kung saan galing at dumaan ba sa tamang proseso tulad nang nasuri ba at pumasa sa  Food and Drug Administration bago ibenta.

Nakaaalarma ang mga comment ng netizens na lumalabas sa social media dahil na rin sa mga post ng Dali Everyday Grocery na kapansin-pansin.

Tila kasi kinopya lang ng nasabing establisimyentong nagbebenta ng mga murang produkto ang mga paninda nila sa mga kilalang brand na mabenta sa mamimili dahil kailangan sa pang-araw-araw.

Ang Rajah Puro Vinegar, Rajah Puro Soy Sauce at Grandiosa loaf ng “Dali” ay aakalain mo sa biglang tingin na ang sikat na suka, toyo at tinapay dahil sa kahawig na packaging.

Nakakuha din ng atensyon itong Bakakult na kinopya ang font ng mga letra at istilo ng packaging sa nakasanayan at pinagkakatiwalaang produkto na maganda sa tiyan dahil ‘manufacture’ sa Pilipinas.

Marami tuloy ang nagtataka kung saan galing ang mga produkto ng “Dali” na napo-post sa social media. May ilan kasi sa mga netizen ang nagsasabi na galing China habang may ilan din nagsasabi na gawang Pinoy ang mga produktong itinitinda nila.

Gayunman, hindi pa rin malinaw kung saan gawa ang produkto na dapat sana ay sinusuri ng FDA lalo na ng Department of Trade and Industry para na rin sa kaligtasan ng mga mamimili.

Bagaman mura at malinaw na alternatibo ng mga konsyumer na nagtitipid, dapat pa ring makasiguro na ligtas ang mga itong kainin at gamitin kaya nga dapat ay dumaan sa tamang proseso ng FDA at DTI.

Nakakalungkot kasi isipin na kung sakaling hindi dumaan sa tamang proseso ang ilan sa mga produktong ito, maaari ang mga itong magdulot ng hindi maganda sa kalusugan natin at ng ating mga mahal sa buhay.

Aba, kilos na DTI at FDA! Hwag ilagay sa peligro ang buhay ng mamimili.