Home OPINION ANO ANG DAPAT IPAGYABANG?

ANO ANG DAPAT IPAGYABANG?

INIYABANG ni Pangulong Bongbong Marcos ang nahuling halos P14 bilyong shabu sa Alitagtag, Batangas bilang pinakamalaking accomplishment ng kanyang administrasyon laban sa droga.

Ooops, sandali! Matapos isagawa ang opisyal na imbentaryo sa mga nahuling droga, bigla itong “nalusaw” sa mahigit 9 bilyong piso na lang.

Agad namang nilinaw ni DILG Sec.Benhur Abalos na walang nangyaring “hokus-pokus” sa mga nasabing shabu. O sya, sige na nga.

Ipinagyabang din ng Presidente na walang namatay o “pinatay” ang kanyang mga pulis sa pagkakasabat sa mga nasabing droga.

Tila nais sabihin ni Pangulong Marcos, Jr. na ang kanyang administrasyon ay hindi mamamatay tao, kumpara sa nakaraang gobyernong Duterte na naging madugo ang giyera laban sa illegal drugs.

Sa ganang akin, hindi dapat gayun ang ginawang pahayag ni Marcos matapos ang pagkakasabat ng mga awtoridad sa bilyon-bilyong shabu.

Ang pagyayabang ni PBBM na walang namamatay sa kampanya ng kanyang administrasyon laban sa droga ay nakapagbibigay ng masamang halimbawa o implikasyon sa war on drugs.

Aba’y iisipin tuloy ng mga sindikato sa droga na mahina at walang bagsik si Marcos.

Baka dahil diyan, “lumaki ang kanilang mga ulo” at siya’y paglaruan.

‘Yun bang dahil wala silang takot o dahil hindi naman sila papatayin ng gobyernong Marcos, ituloy lang lalo nila ang kanilang ligaya sa papaparating ng droga sa bansa.

Hindi naman sa sinasabi nating dapat gayahin ni PBBM ang Duterte admin sa mga pagpatay sa mga hinihinalang sangkot sa proliperasyon ng illegal drugs.

Dapat, kahit na papaano o kahit na buladas lang, ipakita niyang kaya niyang magpakita ng “kamay na bakal” sa giyerang ito.

Ibang klaseng ng mga hayop ang mga nasa likod ng droga sa bansa. Wala silang sinasanto. Kaya hindi rin sila dapat santuhin. Ika nga, huwag ibeybi.

Walang dapat ipagyabang o ipagmapuri kung makahuli man ang mga awtoridad ng bilyon-bilyon o sako-sakong droga. Aba’y dapat lang,   trabaho nila yan.

Para sa akin, mas maganda pa rin kung ang mga nasa likod ng sindikato sa droga ay maglaho, magkandamatay at maubos para sa kaligtasan ng lahat, lalo ng kabataan.