Home OPINION KWENTUHAN SA KAPIHAN

KWENTUHAN SA KAPIHAN

NAKABABAHALA ang mga balitang meron na raw “sleeper cells” dito sa Pilipinas, kung sakali man na sumiklab ang gulo sa gitna ng Pilipinas at China.   Sana ay puro haka-haka at kuwentong-kutsero lang ang mga ito, pero talagang mapaiisip kapag pinagtagni-tagni mo ang kaganapan.

Sa mga mahilig sa mga spy thriller na nobela at mga pelikula, ang sleeper cells ay isang taktika na ipupwesto ng isang bansa ang kanyang mga “elemento” o “assets” sa isang bansa na gusto niyang pahinain o kaya ay magiging kaaway n’ya sa hinaharap.   Pero para hindi mahalata, ang assets ay pupunta sa eswkelahan o kaya ay magtatrabaho lang na mga “low profile”.  Sa ganitong sitwasyon, pwede nang mag-espiya ang mga asset.

Dalawang kaso ng mga hulihan ng mga Chinese  na merong mga dose-dosenang high-powered firearms sa loob ng Metro Manila.   Hindi malinaw kung rehistrado ang mga ito o’ illegal’.   Pero kung ligal man, ano ang dahilan at kailangan nila ng marami at hindi pangkaraniwan na mga armas? Mabuti na lang at maayos ang mga “intelligence work” ng ating Philippine National Police at National Bureau of Investigation kaya’t agarang nahuli at nakumpiska ang mga armas.

Sunod naman ang kaso diumano ng mga halos apat na libong estudyante na mga Chinese sa Cagayan Province sa Norte.  Ayon sa resolusyon na pinagtibay ng Kongreso, gusto ng Kamara ng imbestigahan ang mga hindi normal na kalakaran na mukha raw may mga dayuhang estudyante na nagbabayad umano para maka-graduate at magkaroon ng college degrees.   Pinabulaanan naman agad ito ng mga lokal na opisyal ng Tuguegarao at ng lalawigan.   Inamin din naman ng Bureau of Immigration na medyo marami nga ang naaprubahan nilang mga Intsik.

Sa unang tingin, mukha ngang wala namang masama sa pagdami ng mga banyagang gustong mag-aral dito sa Pilipinas.   Pero bakit sa Cagayan? Dahil ba nandoon ang dalawang EDCA sites na mistulang base military ng mga Amerikano?

Sa mga hindi pamilyar sa isyu ng pambansang seguridad, walang masama rito.   Pero sa konteksto na tumitindi ang giriian ng mga Coast Guard at mga mangingisda ng China at Pilipinas sa West Philippine Sea, nagiging tinik sa usapan kung bakit dagsaan ang pagpunta ng mga estudyante at mga manggagawang Chinese sa norte ng Pilipinas.

Sana nga, hindi malubha ang banta ng mga bulungan tungkol sa “sleeper cells” na ito, at nasobrahan lang sa panonood ng “Mission Impossible” ang maraming mga nagkukwentuhan sa mga kapihan.