Home OPINION SOCIAL MEDIA

SOCIAL MEDIA

NAGING kalakaran na sa usaping politika sa ‘Pinas ang pagpapasabog ng mga iskandalo’t kontrobersiya ng ilang halal na opisyal lalo na kapag nalalapit ang halalan kung saan kanya-kanyang gimik kung paano maiparating ito para sa kaalaman ng madla.

Sadyang kakambal na yata ang sari-saring balita’t isyung may katotohanan man o wala sa sistemang politikal sa bansa noon pa man na ayon sa iilan ay nagbibigay kulay tuwing dumarating ang eleksyon dito.

Sa panahon ngayon na mabilis pa sa kidlat ang pagkalat ng balita sa pamamagitan ng social media,dehado ang mga tulog sa pansitang kandidatong makalumang pamamaraan pa rin ang ginagamit sa kampanya upang maipaabot sa taumbayan ang impormasyon nila kaya naman sapilitang nakikiuso na rin sila upang labanan ang kanilang katunggali.

‘Yun nga lang at hindi naman lahat na nakikinig at nagbabasa ng post sa makabagong platapormang ito ay mapanuri kaya naman kahit fake news ay sadyang pinaniniwalaan din ng iilang kababayang halos lahat ay madalas may tangan na cellular phones.

Ibig sabihin,social media talaga ngayon ang ginagamit sa kampanya ng mga kandidatong magkahalong katotohanan at kasinungalingan ang lumalabas.

Subalit ang kagandahan ng mga isyung ito na lumalabas ngayon ay nagkakaroon ng tsansa ang taumbayan na mapag-usapan ito sa social media kung saan nailalabas nila ang kanilang kaalaman, punto at saloobin kaya naman sumisingaw din kung totoo ba o hindi ito.

Kagaya ng mga kontrobersiyang bumabalot sa West Philippine Sea na halos pinaguusapan sa kasulok-sulukan ng bansang lumulutang na rin kung sino ang salarin kaya patuloy na binababoy ang ating mga kababayan sa sarili nating teritoryo.

Hindi lang ‘yan,marami pang isyu ngayon ang tinatalakay ng mamamayan sa social media na marapat lang na pag-usapan lalo pa’t nalalapit na naman ang eleksyon.

Hindi ba’t karapatan din natin na malaman ang saloobin ng mga opisyal na ito upang mahimay-himay sila kung interes ba ng karamihan ang dinedepensahan o sariling kapakanan lang?