NAG-ALA “Johnny come lately” na naman si President Bongbong Marcos nang magtalaga siya ng bagong pinuno ng Philippine National Police – isang temporary chief pa talaga. Well, ‘yun ang unang inakala namin.
Ang pag-anunsiyo kay P/LtGen Emmanuel Peralta, PNP deputy chief for Administration at No. 2 top brass sa pulisya, ay ginawa wala nang 24 oras bago ang nakatakdang change of command ceremony sa Camp Crame nitong Lunes.
Pero nagmistulang April Fool’s joke ang nangyari dahil walang kaalam-alam si Peralta at ang buong PNP na ang pagpuwesto niya sa tuktok ng police organization ay pinagmukha lang simbolo ng isang latang ipinatong sa pedestal para asintahin sa target shooting.
Dahil nang dumating na ang panahon para magbigay siya ng talumpati sa entablado, pinangalanan ni Marcos ang PNP comptroller na si P/MGen Rommel Francisco D. Marbil Jr. bilang susunod na pinuno ng pulisya.
May pakiramdam akong hindi lamang tayo ang nagulat sa nangyari, bukod siyempre kay Peralta. Sa palagay ko, maging mismong si Pangulong Marcos ay nagulat sa kanyang sarili, maliban na lamang kung ang naging desisyon niya ay iyong tinatawag na “last minute.”
Sa pag-alis ni P/Gen Benjamin C. Acorda Jr. na naatrasado na — dahil batay sa umiiral na patakaran, nagretiro na dapat siya pagsapit ng 56 anyos noong Disyembre — sapagkat walang nakahandang papalit sa kanya, para sa akin, ay isa itong halatadong senyales ng mas malalim na problema sa loob ng administrasyon.
Bakit naatrasado ang pagpili ng bagong Chief PNP? Dahil ba hindi inaasahan ang pag-alis ni Acorda, kaya hindi ito napaghandaan ng Palasyo, o baka simpleng pagpapakita lamang ng nakakabahalang kawalan ng tamang pagpapasya sa pinakamataas na antas ng gobyerno?
Hindi maiwasang mapaisip ang ilan kung ang delay na ito ay sumasalamin sa kawalan ng maayos na pagpapasya ng Presidente sa pagtatalaga ng mga pangunahing opisyal ng pulisya o simpleng indikasyon nang kakulangan ng mahuhusay at karapat-dapat sa hilera ng mga opisyal ng PNP.
Sa gitna nang tumitinding pagkabahala sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga, na tinatampukan ng nakapanghihilakbot na serye ng drug-related killings sa ilang probinsiya, hindi maaaring balewalain ang pangangailangan sa isang matatag na pamumuno sa larangan ng pagpapatupad ng batas.
Alvarez, may hamon kay Marcos
Ang panawagan kamakailan ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez na magbitiw sa tungkulin si Marcos ay nagpapakita kung paanong ang kawalan ng matibay na desisyon at kawalan ng paninindigan ay nakakaapekto sa kanyang pamumuno kung ikukumpara sa mga nakaraang Punong Ehekutibo na may mabilisan at matatag ang pagpapasya.
Siyempre pa, halata namang malayo sa kabutihan ng nakararami at umaalingasaw sa galawang pulitikal ang intensiyon ni Alvarez pabor sa mga Duterte, pero nagawa niyang ibuking kung gaano kadaling pagdudahan ang kakayahan ng Pangulo na epektibong pamunuan ang bayan.
Gawin nating halimbawa ang matagal na pamumuno ni Marcos sa Department of Agriculture, nang kinailangan pang hintayin ang serye ng mga kahiya-hiyang kapalpakan bago nagpasyang magtalaga ng isang “working secretary” upang tugunan ang sandamakmak na mga problema. Naghintay nang naghintay si President Bongbong hanggang sa maranasan ng mga Pilipino ang pinakamalalang taas-presyo sa napakaraming produktong agrikultural, mula sa bigas, asukal, hanggang sa sibuyas at iba pang bilihin, bago napagdesisyunang hindi niya kaya ang trabaho.
Pero mas malala naman ang mungkahi ni Alvarez na ipaubaya na lang ang pamumuno kay Vice President Sara Z. Duterte-Carpio sa harap ng tumitinding tensiyon ng bansa at ng China.
Ngunit isa itong wake-up call na dapat ayusin ni Marcos ang kakayahan niya sa matalino at mabilisang pagpapasya. Natuto sana siya sa kanyang ama na laging kinokonsulta ang pinakamagagaling at pinakamatatalino. Siguraduhin lang niyang ang kanyang mga appointees ay hindi mauuwi sa pagiging mga halimaw ng korapsiyon.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).