Home OPINION ANYARE SA PRESYONG BIGAS AT TARIPA?

ANYARE SA PRESYONG BIGAS AT TARIPA?

NAKAPANLULUMO na mismong ang National Economic Development Authority ang nagsasabing naging waepek sa pagpapababa ng presyo ng bigas ang pagtapyas ng pamahalaan sa taripa o buwis sa importasyon ng bigas.

Nitong nakaraang taon, pinalabas ni Pangulong Bongbong Marcos ang Executive Order 62 na nagbaba ng taripa sa imported rice mula 35% sa 15% at kitang-kita na mahigit pa sa kalahati ang ibinaba ng taripa na epektibo simula nitong nakaraang Hulyo 2024.

Sa parte ng Bureau of Customs, nagbunga ang EO 62 ng landed cost o presyo ng bigas pagdating nito sa Pinas sa halagang P33.93 kada kilo mula sa dating P40.26.

Dahil naman sa bumabang taripa, lumundag ang importasyon sa 62%.

Kapag pinagsama ang maraming imported na bigas na inasahang magpapababa sa presyo dahil sa rami ng suplay at ibinabang taripa, dapat sanang mura na ang bigas.

Pero sabi ng NEDA, hindi nangyari ito at sa halip, nananatiling nasa P45-P50 ang katamtamang presyo ng bigas kahit saan sa mahal kong Pinas.

Hindi rin umubra ang kompetisyon na inasahan at halos magkapantay ang presyo ng lokal at imported na bigas.

Kaya, naging walang pakinabang ang mga mamamayan sa nasabing EO 62.

Ang masama pa, mga Bro, nabawasan nang malaki ang kita ng pamahalaan sa taripa sa halagang P2.952.

Paano kaya kung tuloy-tuloy na pairalin ang EO 62 hanggang 2028 na siyang pagbaba ni Pang. Bongbong sa Palasyo?

POLISYANG PALPAK

Kung iisipin, mga Bro, umiiral ang Rice Tarrification Law o RTL noong 2019 at nagpairal nga ng 35% taripa ngunit sa taong ito, ibinaba ang taripa sa 15% sa bisa nga ng EO 62.

Nitong nagdaang mga araw lamang naman, inamyendahan ang RTL at laman nito ang pagpapalawig ng Rice Competitiveness Enhancement Fund hanggang 2031 at pinalaki rin ang pondo mula sa P10 bilyon sa P30 bilyon.

Sa pamamagitan umano ng amyenda sa RTL, lalago umano ang produksyon ng bigas at kikita rin ng mas malaki ang mga magsasaka.

Ito’y dahil gagawing mas moderno ang paraan ng pagsasaka, kasama ang paghahanap ng magandang binhi, mas maayos na imprastraktura sa transportasyon at irigasyon, maayos na palengke ng produkto at iba pa.

Pero paano kung tuloy-tuloy na pairalin ang polisya na katulad ng inihalong EO 62 o iba pa haba ng panahon mula ngayon hanggang 2031?

O kaya’y may mga makapangyarihang grupo na may interes sa industriya na hindi kayang sawatain mismo ng pamahalaan gaya ng pinaniniwalaang dahilan ng pumalpak na EO 62?

Paano rin ang posibilidad ng pinaghalong nasabing grupong may pansariling interes at mga makapangyarihan ding korap upang hadlangan o pataubin mismo ang magagandang layunin ng batas?

Ano nga kaya ang mga mainam na gawin na dapat ngayo’y simulan nang gawin para sa pangmatagalang pakinabang ng mga mamamayan at magsasaka?

Ang tiyak, hindi uubra rito ang ayu-ayudang ngayon na nakatali lang sa pamumulitika.