HINAHAMON ni Vice President Sara Duterte ang mga miyembro House of Representatives na halukayin din ang Office of the President matapos madiskubre ng state auditors na ito ang top confidential at intelligence fund spender noong 2023.
Sa isa niyang press conference, sinabi ni VP Sara na hindi dapat i-single out ng House members ang pagsisiyasat sa Office of the Vice President kung ang talagang intensyon nito ay magpasa ng batas ukol sa paggamit ng confidential funds.
“If you are in aid of legislation and want to legislate about confidential funds, you do not target one office and terrorize and torment the employees of that office. What you do is you do a sampling, a random sampling of the offices who have confidential funds,” anang Bise Presidente.
May malaking tama sa parteng ito si VP Sara.
O, hindi ba’t ikinakatwiran ng mga kongresista na ang ginagawa nilang “pambabalahura”, este, panggigisa sa tanggapan ng Pangalawang Pangulo ay upang makalikha sila ng batas nang sa gayo’y hindi maabuso ang mga confidential at intelligence funds na ‘yan?
Batay sa Commission on Audit – Annual Financial Report, ang OP sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos “Bongbong” Jr. ang nagtala ng pinakamalaking winaldas na confidential funds sa nakalipas na taon.
Gumastos ang OP ng P2.25 billion at P2.31 billion, kapwa sa confidential at intelligence funds, noong 2023, o katumbas na P4.56 billion.
Aba’y ‘di hamak na nakalulula ang laki nito kumpara sa pinag-iinitan nilang CIF ng OVP, kahit isama pa ang sa Department of Education.
E ang kaso, mukhang babagsak lang sa mga “taingang kawali” ng mga kongresista ang hamon ni VP Sara.
Dangan kasi, agad nang ipinagtanggol ng ilang “crocs”, este, ng mga kongresman ang pagwaldas ng opisina ni PBBM sa CIF nito.
Ang nasabing paggasta raw ay nagpapatunay lang daw na nagtatrabaho si PBBM para sa ating pambansang seguridad.
Mga pukaw na n’yo!
Kapag si PBBM ang nagwawaldas, sasabihin e para sa kapakanan ng bayan?
Pero kapag si VP Sara, ang sinasabi nila ay pagnanakaw? Nasaan ang hustisya dyan?
Kailan kaya magiging patas o parehas ang mga bata mo diyan sa Kamara Speaker Martin Romualdez?
Ano ba ang ipinakain mo sa kanila at ganyan na sila kabugok, ha?!