
BASE sa inilabas na ulat ng DOH o Department of Health, umabot sa 426 ang namatay sa rabies.
193 o 45% ng mga biktima ang kinagat ng kanilang sariling alagang hayop na karaniwang aso o pusa.
Nasa 41% sa mga alaga ang hindi nabakunahan habang 56% ang hindi tiyak kung nabakunahan.
Pinakamaraming naitalang kaso na mayroong 53 sa Central Luzon, 43 naman sa SOCCSKSARGEN o South Cotabato, Cotabato City, Sultan Kudarat, Sarangani, at General Santos City, at mayroong 35 naman sa CALABARZON o Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon.
Sa pagbabantay ng DOH, sa nakalipas na limang taon, umabot na sa 1,750 Filipino ang namatay dahil sa rabies.
Mula Enero 1 hanggang Marso 1, 2025, nakapagtala ang kagawaran ng 55 kaso ng rabies na 39% mas mababa kumpara sa 90 kaso sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Sabi ng DOH, ang rabies ay mapanganib at nakamamatay. Ang fatality rate ng mga kaso noong 2024 ay nasa 100 porsyento. Naipapasa ang rabies sa pamamagitan ng kagat, kalmot, o laway ng isang hayop na may rabies kung ito ay makapapasok sa sugat, o maaaring sa mata, ilong at bibig.
Karaniwang lumalabas ang unang sintomas ng rabies mula dalawa hanggang tatlong buwan matapos ang pagkakalantad, pero maaari itong lumitaw sa loob ng isang Linggo o kaya naman ay sa loob ng isang taon.
Kabilang sa mga sintomas ng pagkakaroon ng rabies ay lagnat, panghihina, at pamamaga ng sugat. Habang tumatagal ay nagkakaroon ng pagkatakot sa tubig at hangin, pagkalito, at pagkaparalisa.
Habang kumakalat ang virus, nagdudulot ito ng mabilis na pamamaga ng utak at spinal cord na humahantong sa kamatayan.
Kaya panawagan ng DOH sa publiko lalo na sa may mga alagang hayop na seguraduhin ang taunang pagbabakuna upang maiwasan ang impeksyon sa rabies. Maaaring makipag-ugnayan sa beterinaryo ng lokal na pamahalaan para sa pagbabakuna ng kanilang mga alagang hayop.
Kung makagat o makalmot ng hayop, kaagad na hugasan ang sugat ng malinis na tubig at sabunin.
Kumonsulta kaagad sa health center o Animal Bite and Treatment Center upang makatanggap ng libreng bakuna laban sa rabies at post-exposure prophylaxis.