PORMAL na iginawad ng Pag-IBIG Fund, Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Setyembre 29, 2025, ang mga bagong pabahay sa mga kwalipikado at graduating na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na aktibong miyembro rin ng Pag-IBIG Fund.
Idinaos ang turnover ceremony sa Abuab Housing Project sa San Mateo, Rizal, na nagsilbi ring panimula ng obserbasyon ng National Shelter Month 2025. Ito ay tugon sa direktiba ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr., na masiguro ang ligtas, disente, at abot-kayang pabahay para sa lahat ng Filipino. Ipinakita rin ng nasabing programa ang matibay na pagtutulungan ng mga ahensya ng pambansang pamahalaan at mga lokal na pamahalaan upang mapalawak ang akses sa maayos na pabahay sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program (4PH).
Binigyang-diin ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling ang kahalagahan ng inter-agency cooperation para maisakatuparan ang mga layunin sa pabahay ng administrasyon.
Binigyang-diin ni Secretary Aliling, na ang isinagawang turnover ay katuparan ng direktiba ni Pangulong BBM at ito rin ang kauna-unahang Expanded 4PH pilot project sa Region IV-A. Aniya pa, sa pakikipag-ugnayan ng DHSUD sa DSWD, natutugunan ang pangangailangan sa pabahay ng mga pamilyang kabilang sa 4Ps bilang bahagi ng kolektibong pagsisikap na maiangat ang kanilang pamumuhay.
Para naman kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, pangmatagalan ang epekto ng inisyatiba sa panlipunang kaunlaran. Ipinaliwanag niya na ang mandato ng DSWD ay hindi lamang nakatuon sa pagbibigay ng tulong sa panahon ng krisis kundi pati na rin sa pagtulong sa mga Filipino na makaalpas mula sa kahirapan.
Ayon pa sa kalihim, ito ang unang pagkakataon na nakipagtambalan ang DSWD sa DHSUD para sa ganitong proyekto, at ipinahayag niya ang pasasalamat na ang mga benepisyaryo ng 4Ps ay nagkaroon ng pagkakataong magkaroon ng sariling tahanan sa pamamagitan ng Expanded 4PH Program. Dagdag pa niya, hindi na kailangang umupa ang mga ito sapagkat magkakaroon na sila ng sariling bahay.






