Home OPINION BAGONG KAUTUSAN NG DOLE PARA SA SECTION 59 NG MAGNA CARTA FOR...

BAGONG KAUTUSAN NG DOLE PARA SA SECTION 59 NG MAGNA CARTA FOR SEAFARERS

NILAGDAAN ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido E. Laguesma ang Department Order (DO) No. 247, series of 2025, na nagtatakda ng mga patakaran sa pagpapatupad ng mga desisyon ng National Labor Relations Commission (NLRC) at ng voluntary arbitrator sa ilalim ng National Conciliation at Mediation Board (NCMB) sa mga inihaing money claims ng seafarer.

Ang bagong kautusan ng DOLE ay nagpapatupad sa Section 59 ng Magna Carta of Filipino Seafarers (Republic Act No. 12021). Iniaatas sa probisyon na bago maigawad ng NLRC o ng voluntary arbitrator ang monetary award na pabor sa seafarer, kinakailangan munang maghain ng bond ang seafarer upang matiyak na maibabalik ang halagang naigawad kung sakaling baguhin ng Korte ang desisyon kapag naghain ng apela sa Korte.

Ang kautusan ay ayon sa Implementing Rules and Regu­lations ng Magna Carta na ini­labas noong nakaraang linggo ng Department of Migrant Wor­kers (DMW).

Sinabi ni Secretary Laguesma na ang agarang pagpapa­labas ng DOLE ng kautusan ay bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa lahat ng mga kinauukulang ahensya na maglabas ng tuntu­nin na sumasaklaw sa kanilang awtoridad sa ilalim ng Magna Carta upang matiyak ang ganap na pagpapatupad ng batas.

Binuo sa pakikipagtulungan ng NLRC at NCMB at pagkata­pos ng konsultasyon sa mga tripartite stakeholder, nilinaw ng DOLE ang pagkakaiba sa pagitan ng undisputed at disputed amount para sa mga layuning kinakailangan ang paghahain ng seafarer ng bond habang ang desisyon ay inaapela pa sa korte.

Kabilang sa undisputed amount ang hindi nabayarang suweldo o sahod, kabilang ang halagang katumbas ng hindi pa natapos na bahagi ng kontrata bunga ng illegal dismissal; anomang kabayarang maaaring tum­basan ng salapi na nakatakda sa standard employment contract o ayon sa collective bargai­ning agreement; anumang hindi pa nababayarang statutory monetary at welfare benefits; naaayong halaga sa disability grading na itinakda ng ikatlong doctor para sa disability claims; at iba pang halaga na inamin ng employer na dapat bayaran sa seafarer.

Sa pinal na desisyon ng NLRC o voluntary arbitrator, dapat na maigawad agad ang undisputed amount kahit naghihintay pa ng apela sa korte at hindi kinakailangang maghain ng bond ang seafarer.