
NAPAKALINAW nang hati-hati na ang mamamayang Pinoy at mga lider ng bansa ukol sa “Impeach Sara” at iba pang mga usapin.
Habang tinitipa ito, walang lumalantad na dagdag na isponsor, halimbawa, sa tatlo at magkahiwalay na impeachment complaint ng Makabayan block, Akbayan at oposisyon at wala rin hanggang ngayong ang 103 kongresman na magsusulong ng impeachment diretso sa Senado upang litisin ang kaso.
Nangangahulugan ito ng pagkahati-hati ng mga kongresman sa kung aaksyunan o hindi ng Senado ang anomang isasampa nilang impeachment complaint, lalo’t marami sa mga senador ang sasalang sa halalang 2025 at mawawalan sila ng panahong mangampanya at posibleng matalo kung matatali sila bilang Hukom sa impeachment court.
Naririyan din ang pagkahati-hati mismo sa hanay ng mga nasa Palasyo, lalo na sa pagitan nina Presidential Legal Adviser Juan Ponce Enrile na pabor sa impeachment at Pangulong Bongbong Marcos makaraan ang Iglesia ni Cristo National Rally for Peace na sumuporta sa paninindigang “No Impeach Sara” ng Pangulo.
Sa darating na mga araw, maglulunsad naman umano ang mga relihiyoso na sumuporta sa ikatlong impeachment ng sarili nilang rally kontra sa korapsyon, pambababoy sa 2025 pambansang badyet at PhilHealth at iba pa.
Ang mga ito, kabilang na si dating Supreme Court Justice Antonio Carpio, ay binubuo ang Clergy for Good Governance and Citizens for Good Governance (CGG2) at isasagawa ang rally sa EDSA Shrine sa Enero 31, 2024.
Lumilitaw na pro-Impeach Sara at kontra BBM at Kongreso ang mga ito at naririyan na malinaw rin ang pagkahati-hati.
Iba pa ang pagkahati-hati ng mga mamamayan at gobyerno ukol sa problema sa napakamahal na presyo ng mga bilihin at serbisyo, pagkahati ng lipunan sa mahirap na nasa 70 milyon at kakaunting mayaman at ilang milyong alanganin ang kalagayan na maaaring maghirap o manatiling may konting ginhawa at iba pa.
Saan kaya patutungo ang Pinas sa ganitong pagkahati-hati at pag-aaway-away?