Home OPINION BAGONG PAG-ASA SA LUNGSOD NG PARAÑAQUE

BAGONG PAG-ASA SA LUNGSOD NG PARAÑAQUE

PAGDATING sa halalang lokal, ang kalidad ng paglilingkod sa bayan ay matimbang na elemento pagdating sa pagkapanalo sa halalan. Alam naman nating kahit makapangyarihan ang politiko at limpak-limpak ang salapi, maaari pa rin siyang matanggal sa pwesto kung ayaw na sa kanya ng tao dahil sa maraming pagkukulang sa serbisyo.

Kaya naman matunog na matunog ang balitang malapit nang masipa ang isang naghaharing politiko sa Lungsod ng Parañaque, partikular sa ikalawang distrito.

Ang pinakamatibay at solidong patunay na malapit nang magbago ang political landscape sa Distrito 2 ng Parañaque ay ang resulta ng pinakahuling survey na isinagawa ng Social Weather Station.

Sa survey noong November 8-14, 2024, malinaw na 51 percent ang boboto kay Bryan Yamsuan, ang kasalukuyang kinatawan sa Kongreso ng Bicol Saro Partylist, at 38 percent na lamang kay Gus Tambunting kung ang halalan ay ginanap noong mga panahon na ‘yon.

Sa naunang survey ng SWS noong September, may 44 percent pa si Tambunting at 38 percent si Yamsuan.

Dahil hindi na maitatago pa ang resulta ng survey sa mga taga-District 2, marami na ang mga pumapanig at lumulundag na mga lokal na lider sa kampo ni Yamsuan.

Ayaw na raw nila kay Gus at baka madamay pa sila sa paglubog nito at ng kanyang naghaharing angkan.

Naniniwala kasi ang mga taga-Distrito 2 na si Yamsuan ang tunay na Bagong Pag-asa sa Parañaque.

Sampalataya sila na ang kanilang bagong pag-asa ay may kaakibat na konkretong aksyon dahil nakita na nila ang ebidensya sa kalidad ng serbisyong dinadala ni Yamsuan sa kanilang distrito.

Aba’y hindi pa man nakaupo si Yamsuan ay ibinuhos na niya at ipinadama ang klase ng serbisyong aasahan ng mga taga-Distrito Dos mula sa kanya.

Kung magbabasa ng mga komento sa social media at kung makikinig mismo sa mga hinaing ng mga taga-Distrito Dos, makikitang “umay na umay” na sila sa matagal nang nakaupong si Tambunting.

Karaniwan ng reklamo nila ay pinipili lang daw ni Tambunting ang mga tinutulungan, kaya pinagtatawanan na ang tagline niyang “Laging Naglilingkod sa Parañaque” (daw). Abangan!