
LUMABAS sa survey ang kawalang-tiwala ng publiko sa kasalukuyang House of Representatives (HOR) matapos lumabas sa isang bagong survey ang bumababang kumpiyansa ng publiko sa kanilang pamumuno at pagganap ng tungkulin.
Ayon sa pag-aaral ng HKPH Public Opinion and Research Center, katuwang ang Asia Research Center (ARC) na nakabase sa Hong Kong, tanging 45 porsyento ng mga Filipino ang nagsabing kuntento sila sa performance ng HOR, habang 43 porsyento ang nagsabing sila ay hindi nasisiyahan, at ang natitirang 12 porsyento ay undecided o hindi tumugon.
Mababa rin ang rating ng kasalukuyang HOR speaker na si Martin Ferdinand Romualdez, na nakakuha lamang ng 39 percent approval rating, kumpara sa 46 percent na dissatisfaction rating.
Ipinaliwanag ni Steven Su, program director ng survey, ang mga resulta ay nagpapakita ng lumalalim na disgusto ng taumbayan sa uri ng pamumuno at takbo ng HOR, lalo na matapos ang kontrobersyal na impeachment complaint laban sa isang pangunahing oposisyon na isinampa sa gitna ng panahon ng kampanya para sa midterm elections.
Para kay Su, sa halip na maghatid ng pananagutan, ang impeachment move ay tila naging simbolo ng pamumulitika, at hindi serbisyo publiko. Sa mata ng mga botante, ito ay isang pagkakamaling ikinasira pa lalo ng imahe ng HOR.
Marami rin sa mga kandidato sa katatapos na 2025 National and Local Elections, panalo man o talunan, ang umaming naging pabigat sa kanilang kampanya ang isyu ng impeachment.
Naging maganda naman ang naging pagtanggap ng publiko sa ehekutibong sangay, lalo na kay President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. Sa parehong survey, nakatanggap ng 90 percent approval rating ang kanyang programang Php 20.00 bawat kilo ng bigas, na kinikilala bilang isa sa mga pangunahing inisyatibo sa pagtugon sa kahirapan.
Ayon sa mga eksperto, ang magkaibang pananaw ng publiko sa HOR at sa Pangulo ay patunay ng lumalawak na agwat sa kredibilidad ng dalawang sangay ng pamahalaan.
Binigyang-diin ni Su na ang resulta ng katatapos na eleksyon ay isang wake-up call para sa HOR.
Aniya, hindi na sapat sa taumbayan ang puro sigaw at palabas.
Ang hinihingi nila ay tunay na serbisyo. Kung patuloy sa ganitong direksyon ang HOR, maaaring tuluyan nang mawala ang natitirang tiwala ng sambayanan.
Isinagawa ang survey mula June 1 hanggang 6, 2025, na may 3,500 respondents mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa at may ±2% margin of error sa 95 percent confidence level.
Ang papatapos na 19th Congress ay binubuo ng 316 na kongresista na binubuo ng mga kinatawan mula sa mga distrito at mga party list.