
SA naitalang 65 porsiyento, hawak ng Pilipinas ang ngayon ay isa nang nakakabahalang world record: ang pinakamaraming estudyante ng Grade 10 na nagre-report ng bullying kada buwan.
Dapat na pakilusin ng Program for International Student Assessment report na ito noong 2018 ang Department of Education para epektibong aksyonan ang sitwasyon.
Para maipatupad ang karampatang aksyon sa kasong ito, kailangan ang institutional effort, dahil hindi naman ito kayang gawin ng mga guro lang — kung sakali na may isa man sa kanila na magtatangkang makialam upang maresolba ang problema. Ang tanong: Sapat ba ang dami ng mga guidance counsellor sa mga eskwelahan?
Kaya naman sinabi ni Philippine National Police chief PGen Nicolas Torre III na maaaring isumbong ng mga estudyante ang pambu-bully sa kanila gamit ang 911 emergency hotline. Sa una, mistulang sobra naman yata ito, pero totoo rin na dapat na noon pa ito naikonsidera, lalo na kapag ang pambu-bully ay humahantong na sa marahas na krimen.
Sang-ayon ako d’yan, lalo na sa pagtatalaga ng mga pulis malapit sa mga eskuwelahan upang matiyak ang agaran nilang pagresponde. Okay ‘yan, pero huwag tayong magkunwari na mareresolba nito ang problema.
Bawat paaralan ay bahagi ng mas malaking komunidad, kung saan nakikipag-ugnayan ang mga magulang at mga empleyado ng paaralan sa kanilang barangay, at ang simbahan at mga negosyo sa lugar ay maaaring magsilbing tagapagbantay, hindi lang sa mga aktwal na insidente ng bullying, kundi sa inaasal ng mga estudyante.
Dapat na makakita ang kabataan ng mga halimbawa ng moralidad at kabutihang-asal upang masanay silang maging palakaibigan at magkaroon ng malasakit sa mahihina at mga may kapansanan sa pag-iisip – gaya ng kung paano ang tamang pagtrato sa mga Person with disability o PWD na sumasakay sa bus.
Pagsasaway ng NCAP
Nasa usapan ng kabutihang-asal na lang din tayo, mistulang nagagawa ng No Contact Apprehension Policy ang isang bagay na hindi kailanman nagawa ng mga Metropolitan Manila Development Authority traffic enforcer: ang disiplinahin ang mga driver.
Dahil sa NCAP, inilunsad ng MMDA kamakailan ang website ng “May Huli Ka 2.0” — kung saan maaari nang i-check online ng mga motorista kung mayroon silang traffic violations sa ilalim ng no-contact policy.
Sa tulong ng teknolohiya, mas mabilis na ngayong nahuhuli ang mga pasaway na motorista, pero hindi pa napatutunayan kung nakatulong ito para maging mas ligtas ang ating mga kalsada.
‘Huli ka, balbon!’
Ito ang dagdag-patunay sa husay ng digital technology pagdating sa panghuhuli sa mga pasaway. Sa pagkakataong ito, sa pasaway na public officials na nilalabag ang tiwala ng publiko sa kanila. Isang aktwal na insidente ng “huli ka” ang nangyari kamakailan sa Tuguegarao City nang mag-viral ang kahiya-hiyang video ng dalawang kapwa mataas na opisyal ng Land Transportation Office.
Na-hulicam ang dalawa habang hina-harass ang isang kabataang babae at sinasaktan ang dalawa pang lalaki sa isang hotel. Sinibak na sa puwesto ang dalawa, sinampahan ng kasong kriminal, at naging kahiya-hiya sa publiko. Grabe ang nakuhanan ng video: sinasampal ang mga menor de edad, sinasabunutan, pinuwersa ang kabataang babae na sumama sa opisyal. Binigo nila hindi lang ang mga kabataang sangkot sa insidente, kundi maging ang bawat pamantayan ng tamang asal na inaasahan sa mga kawani ng gobyerno.
Hiniling na ni Transportation Secretary Vince Dizon ang permanenteng pagsibak sa kanila sa tungkulin. Tama lang. Pero ang pagsibak sa serbisyo ay hindi tamang ituring na bilang hustisya. Dapat na ituloy ang pagsasampa ng mga kasong kriminal — hindi lamang para sila ay papanagutin sa kanilang ginawa, kundi para magbigay ng malinaw na mensahe sa mga naglilingkod sa bayan: hindi dahil mataas ang posisyon n’yo sa gobyerno ay malulusutan n’yo na ang batas.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.