BAKIT hindi na lamang suportahan ng gobyerno ang solar power energy projects, lalo na kung makatutulong ito sa pagpapababa ng gastusin sa kuryente, pagsusulong ng renewable energy at pagbawas ng pagdepende sa fossil fuels?
Hindi naman ganoon kadali ang pagpapatupad nito. Malaking pondo ang kailangan para sa solar panels, batteries, inverters at iba pang kagamitan. Hindi rin pare-pareho ang konsumo ng bawat pamilya, habang may maintenance at pagpapalit ng baterya na maaari ring maging malaking gastos.
Pero kung tutuusin, mas makabuluhan ang malaking puhunan kung ang kapalit nito ay pangmatagalang pagtitipid ng mga Pilipino.
Isipin na lamang kung mas marami sa mga kanayunan ang magkakaroon ng solar power. Malaking bagay ito sa kanilang pamumuhay, lalo na sa mga lugar na malayo sa pangunahing power grid.
Higit sa lahat, maaaring makatulong ang solar energy sa mga pamilyang nais mabawasan ang kanilang pagdepende sa electric companies at sa mga singil na matagal nang kinukwestyon ng publiko, kabilang ang tinatawag na systems loss.
Ngunit habang pinag-uusapan ang solar project, may mas malaking isyu na dapat harapin — ang mga alegasyon ng panlilinlang at pangungurakot na inuugnay sa proyekto.
Dito tila bumabagal ang usapin at paglilinaw.
Sa isang proyektong ganito kalaki, hindi sapat ang palitan ng mga pahayag. Kailangang maging malinaw sa publiko ang plano, proseso, pondo at mga taong may pananagutan sa bawat hakbang.
Kung walang dapat itago, ilabas ang buong katotohanan.
Dahil habang tumatagal ang paglilinaw, lalong lumalaki ang duda.
At tandaan natin na hindi solar energy ang ugat ng kasamaan. Kung may nangurakot, ang problema ay ang taong gumamit ng magandang proyekto para sa masamang gawain.
Kapag napatunayang may lumabag sa batas, walang dapat sasantuhin—senador man, congressman o sinomang may mataas na posisyon.
Para sa mga Pinoy, ang tunay na renewable energy na kailangan ng bayan ay hindi lamang kuryenteng malinis. Mas higit na kailangan natin ang pamahalaang malinis.






