Home OPINION BAKIT TAHIMIK KA SEN. BAM?

BAKIT TAHIMIK KA SEN. BAM?

1
0

ANG pulitika sa Pilipinas ay masyadong komplikado. Hindi sapat ang magandang apelyido. Hindi rin sapat ang maglabas ng mga pahayag na pabor sa hustisya kung hanggang salita lamang ang lahat. Ang tunay na sukatan ng isang lider ay kung kaya niyang magsalita at manindigan kahit hindi ito popular sa kanyang mga kaalyado.

Kaya nang paalalahanan ni Senador Bam Aquino ang mga law enforcement agencies na bilisan ang pag-usad ng mga imbestigasyon, marami ang napa-oo. Tama naman ang kanyang punto. Hindi dapat mabinbin ang mga kaso, lalo na kung bilyon-bilyong piso ng kaban ng bayan ang pinag-uusapan.

Pero may tanong ang mamamayan na dapat sagutin ni Sen. Aquino. Sapat ba ang pagpapaalala lang?

Itong butihing senador, kapag ang isyu ay may kinalaman sa mga kalaban sa pulitika, mabilis ang mga panawagan para sa imbestigasyon at pananagutan. Ngunit kapag ang mga pinangalanan o nadadawit ay mga makapangyarihang personalidad na malapit sa administrasyon, tila nagiging maingat, malumanay o minsan ay tahimik. O, di ba kaipokrituhan o kaplastikan ang ganyang ugali?

Hindi naman direktang inaakusahan si Bam Aquino ng anomang katiwalian. Sa katunayan, marami ang kumikilala na nananatili siyang isa sa mga pulitikong hindi nasasangkot sa malaking kontrobersiya. Bitbit niya ang apelyidong Aquino, isang pangalang may malalim na kaugnayan sa pagsusulong ng demokrasya at mabuting pamamahala.

Ngunit ang isang malinis na pangalan ay may kaakibat na mas malaking obligasyon. Kapag mataas ang tiwala ng publiko sa iyo, mas mataas din ang inaasahan nilang tapang at paninindigan.

Kung tunay na naniniwala ang isang senador na dapat walang espesyal na pagtrato sa ilalim ng batas, dapat handa siyang sabihin ito laban sa sinoman—kaibigan man o kalaban, kaalyado man o kritiko ng administrasyon.

Binatikos ng mambabatas ang law enforcement agencies

Sabi pala ni Sen. Bam sa law enforcement agencies “Mahiya naman kayo, mag-iisang taon nay an (flood control scam)”. Pero teka, bakit hindi si Pangulong Bongbong Marcos ang iyong paalalahanan?

TAKOT kaya ang mambabatas kay PBBM?

Ang laban kontra korapsyon ay hindi dapat pinipili. Ang hustisya ay hindi dapat naaayon sa kulay ng pulitika. At ang katahimikan, lalo na mula sa mga lider na tulad ni Bam Aquino na may kredibilidad, ay maaaring mabasa ng publiko bilang pag-iwas, pag-aalinlangan, o kawalan ng paninindigan.

Sa panahon ng malalaking alegasyon at lumalaking pagdududa ng publiko, ang tanong ay hindi kung sino ang nagsasalita subalit kung sino ang handang bumatikos o magsabi ng katotohanan masakit at delikado man sa kanyang sariling panig.

GISING na Sen. BAM AQUINO, baka BANGUNGUTIN ka sa iyong sobrang KATAHIMIKAN.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here