Home OPINION BALDE PARA MAKATAWID SA EL NIÑO

BALDE PARA MAKATAWID SA EL NIÑO

1
0

HINDI dapat balewalain ang El Niño, isang phenomenon na maaaring magdulot ng matinding init, kakulangan sa suplay ng tubig, epekto sa agrikultura, at panganib sa kalusugan. Kailangan itong paghandaan ng bawat pamilya, komunidad at pamahalaan upang maiwasan ang mas malalang epekto nito.

Habang maaga pa, gawin na natin ang mga sumusunod na tips. Una, magpraktis na tayo ng wastong paggamit at pagtitipid sa tubig. Inspeksiyunin at ayusin agad ang mga sirang gripo at tubo. Gumamit ng ‘balde’ sa halip na tuluy-tuloy na hose at iwasan ang pag-aaksaya sa paghuhugas at paglilinis. Kung may sapat na lalagyan, maaaring mag-imbak ng malinis na tubig sa ligtas at lagyan ito ng takip. Huwag kalimutang panatilihing malinis ang lalagyan at panatilihing nakasara ang takip upang maiwasan ang kontaminasyon at pangingitlog ng lamok.

Pangalawa, protektahan ang sarili laban sa matinding init. Uminom ng sapat na tubig, magsuot ng magaan at preskong damit, at hangga’t maaari ay iwasan ang mabibigat na gawain sa ilalim ng araw, lalo na mula alas-diyes ng umaga hanggang alas-kwatro ng hapon. Bantayan ang mga bata, senior citizen at mga taong may karamdaman dahil mas mataas ang panganib nilang makaranas ng heat exhaustion o heat stroke. Kapag nahilo, nanghina o nakaranas ng matinding sakit ng ulo, agad na magpahinga sa malamig na lugar at humingi ng tulong medikal kung kinakailangan.

Ikatlo, siguraduhing maayos ang bentilasyon ng kabahayan o ng working environment. Linisin ang electric fan at air-conditioning unit, at magtipid din sa paggamit ng kuryente. Huwag mag-overload ng saksakan. Mainam ding magkaroon ng emergency kit na may inuming tubig, flashlight, battery at mga pangunahing gamot.

Ikaapat, kailangang ayudahan ng awtoridad ang mga magsasaka at komunidad. Mahalaga ang maagang pagpaplano sa patubig, pagpili ng angkop na pananim, at pagsunod sa mga abiso ng PAGASA at lokal na pamahalaan.

Ang El Niño ay hindi lamang usapin ng extreme weather condition kundi ng kalusugan, kabuhayan at kaligtasan. Sa wastong kaalaman sa pagtitipid sa tubig at sama-samang pagkilos, mas magiging handa tayo sa anomang hamong dulot nito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here