Home OPINION ‘BANTA’ NI MABANTA, TUTUKAN

‘BANTA’ NI MABANTA, TUTUKAN

99
0

DINAKIP ng mga ahente ng National Bureau of Investigation sa isang ENTRAPMENT ang dating social media director ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na si Franco Mabanta, founder at chief executive officer ng Peanut Gallery Media Network.

Ang DRAMA, nangikil umano ng P350 milyong piso si Mabanta kay dating House Speaker Martin Romualdez.

NAGBANTA raw kasi si Mabanta na maglalabas ng 90 minutong video ng pagsisiyasat ng kanyang grupo hinggil sa flood control scandal na ang lumitaw na mastermind ay si Romualdez.

Gaya ng inaasahan, mabilis na idinistansya ni Palace spokesperson, Usec, Claire Castro si PBBM kay Mabanta. Hindi raw magkaibigan ang dalawa.

Kasabay nito, mas mabilis pa sa kuneho na idinikit naman ni Ante Kler si Mabanta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Naglabas siya ng litrato na magkasama sina Mabanta at PFRRD, isang insinuwasyon na “close” ang dalawa kaysa “sanggang-dikit” kay PBBM.

Mukhang hindi muna nag-research ang mga “bata” ni Castro nang naglabasan sa social media ang mga larawan at video na nagpakitang “very very close” si Mabanta sa buong pamilya Marcos.

Sa isang video na sinasabing kuha sa bahay ng mga Marcos sa Forbes Park, sinorpresa pa nga nila ng mga kaibigan at “kaututang dila” si Mabanta na noo’y nagdiriwang ng kaarawan.

Sa FB post, nagpasalamat si Mabanta sa mga kaibigan at tinawag na “tito at tita” ang mag-asawang Bongbong at Liza. Basag si Ante Kler sa nais niyang anggulo.

Kung kanino kina Marcos at Duterte mas “close” o nakadikit si Mabanta, wala na tayong pakialam doon.

Ang pagtuunan natin ng pansin ay ang sinasabing ilalabas na “expose” ni Mabanta laban kay Romualdez tungkol sa flood control scandal na siyang pinag-ugatan ng entrapment. Hindi ang “extortion try” at hindi lalo ang kaugnayan niya sa mga Marcos o Duterte.

Sinabi ni Mabanta na “walang extortion” na nangyari kundi isang “setup”. Matagal na tayong uhaw sa katotohanan ukol sa flood control scandal lalo’t bigo ang gobyerno na maipakulong ang “malalaking isda” na sangkot sa pinakamalaking pandarambong na ito sa kabang bayan.

Dapat imbestigahan ng NBI at hanapin ang video. At kung nais ni Sen. Ping Lacson, chairman ng Senate blue ribbon committee, ipatawag niya si Mabanta sa pagbubukas muli ng imbestigasyon. Ayos!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here