MANILA, Philippines- Iniapela ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang desisyon ng Supreme Court (SC) na payagan ang commercial fishing sa loob ng 15-kilometer municipal water zone.
Naghain ang BFAR ng motion for reconsideration at hiniling na mabaligtad ang naging desisyon ng SC First Division na maaaring mag-operate ang mga commercial fishing vessel sa 15-kilometer boundary.
Sinabi ng DA-BFAR na malaki ang epekto ng naturang desisyon hindi lamang sa mga mangingisda at sa komunidad kundi maging sa sustainable resource at environmental protection.
“This move reflects the agency’s proactive stance in ensuring that the implications of the Court’s Decision are thoroughly reviewed, particularly given the potential impact on national policies, environmental conservation, and the livelihoods of those in the fisheries sector,” nakasaad sa mosyon.
Iginiit ng BFAR na pinag-aaralan nito ang lahat ng posibleng legal remedies upang makakuha ng patas na resolusyon sa kaso.
Magugunita na nitong Disyembre, pinawalang-bisa ng mataas na hukuman ang probisyon ng Fisheries Code na naghihigpit ng commercial fishing sa municipal waters.
Pinagtibay ng SC ang desisyon ng Malabon RTC na nagdeklarang unconstitutional ang pagbibigay ng prayoridad sa maliliit na mangingisda.
Iginiit sa mosyon na lalong mababawasan ang marine resources kung hindi mababaligtad ang desisyon ng SC. Teresa Tavares