Home OPINION BITAY VS DROGA

BITAY VS DROGA

NAPAKALALAKAS ang loob at napakawais ngayon ang mga druglord.

Kung bibitayin ang mga mapatutunayan sa korte na druglord, kasabwat, protektor at tagapagpalaganap ng droga, tiyak namang mababawasan ang kanilang hanay.

Kung mabibilanggo lang sila at hindi ma-Covid, magpapatuloy ang kanilang makademonyong gawain gaya ng napatutunayan nang kasaysayan nilang magkakakosa.

Napapansin kasi natin, mga Bro, kung magdala o magpasok sila sa Pinas ng iligal na droga, gayun na lang ang laki ng bulto ng mga ito.

Naging wais na rin sila dahil maging ang vape na pamalit sa sigarilyo, kinakargahan na rin nila ng mga liquid shabu at liquid marijuana.

Kaya naman, dumarami ang mga krimen na pagpatay, rape, pagnanakaw at iba pa na lumiit nang lumiit ang bilang noong panahon ni ex-President Digong Duterte.

MGA KASO

Sunod-sunod talaga ang mga pagpapasok ng droga sa Pinas at pagpapalaganap ng mga ito…kung hindi mahuli ng mga awtoridad.

Kamakailan nga lang, sa Port of Clark, Pampanga, nakasamsam ang mga Customs agent ng marijuana o kush at vape na kargado ng marijuana.

Nanggaling sa California, United States ang 2.13 kilong marijuana at 156 piraso ng sari-saring disposable vape na kargado ng marijuana at nagkakahalaga ng P4 milyon.

Uso na ang cannabis o marijuana oil sa mga produktont vape.

Anak ng tokwa, ang shabu, ginagawa na ring langis at ipinapalaman sa vape at nagsimulang madiskubre ito dalawang taon na ang nakararaan.

Sa vape, iniiwasan ang paninigarilyo, pero ngayon, shabu at marijuana naman ang nalalanghap.

Ordinaryo namang usapin ang napakaraming marijuana sa Pinas dahil napakarami ang nagtatanim nito mula Luzon hanggang Mindanao.

Ordinaryo na rin ang mga shabu ngunit hindi ordinaryo ang napakalalaking bultong pumapasok ngayon, gaya ng 1.4 toneladang nadiskubre sa Batangas kamakailan.

MGA KRIMEN

Kung subaybayan ninyo ang mga rape at pagpatay o patayan ng mga magkakamag-anak, marami sa mga ito ang nagagawa ng mga suspek dahil sa impluwensya ng droga, karaniwang shabu at marijuana.

Dumarami na muli ang mga nanghoholdap sa mga kalsada, sa mga jeepney, sa mga motorcycle delivery rider at nagnanakaw o nag-aakyat-bahay.

Dumarami rin ang mga pagnanakaw sa motorsiklo at pagpatay o pananakit sa mga rider dito.

Dumarami rin ang mga bata na ninanakawan ang mga magulang.

May nadidiskubre ring mga adik na empleyado ng pamahalaan.

Naririyan din ang may halong droga na mga POGO.

Kaya naman, masasabing kahit may mga nahuhuli, marami rin ang hindi.

At parami nang parami ang mga nahuhuling tulak at adik at gumagawa ng mga krimen.  

BITAY VS DROGA

Paano kaya kung muling buhayin ang  laban sa mga druglord, kasabwat at protektor nila mula sa pamahalaan at mga kriminal na gumagawa ng krimen habang lango sa droga?

Bawat malagas na buhay sa hanay ng mga ito, tiyak na lagas din ang paggawa ng krimen.

Para na rin sa mapayapa at maayos na pamumuhay ng mga mamamayan ito gaya ng naranasan ng marami noong panahon ni ex-Pangulong Duterte na hanggang ngayon, nadarama pa rin ng marami.